Isang mensahe ang ipinadala Martes, Marso 14, 2023 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Ram Chandra Poudel, upang bumati sa panunungkulan ng huli bilang pangulo ng Nepal.
Tinukoy ni Xi na ang Tsina at Nepal ay matalik na magkapitbansa.
Aniya, sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko noong 1955, nananatiling malusog at matatag ang pag-unlad ng relasyong Sino-Nepali, at nagsilbing modelo ng mapayapang pakikipamuhayan at mapagkaibigang pagtutulungan sa pagitan ng malaki at maliit na bansa.
Dagdag ni Xi, lubos niyang pinahahalagahan ang pag-unlad ng relasyong Sino-Nepali, at nakahandang magsikap, kasama ni Pangulong Poudel, upang palaganapin ang tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa, patibayin ang pagtitiwalaang pulitikal, pasulungin ang de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road, palawakin ang pagpapalitang tao-sa-tao, at walang humpay na paunlarin ang estratehiko’t kooperatibong partnership ng dalawang bansa sa hene-henerasyon tungo sa kaunlaran at kasaganaan.
Salin: Vera
Pulido: Ramil