Inihayag Miyerkules, Marso 15, 2023 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na seryosong ikinababahala ng kanyang bansa ang pahayag ng Direktor Heneral ng International Atomic Energy Agency (IAEA) sa kooperasyon sa submarinong nuklear ng Amerika, Britanya at Australya.
Mariin aniyang tinututulan ng Tsina ang pag-endorso ng IAEA sa Kasunduan ng Australya, Britanya, at Amerika (AUKUS Pact), sa ilalim ng panggigipit.
Inilabas kamakailan ng tatlong bansa ang mga detalye ng kanilang plano sa pagbuo ng isang bagong armada ng mga submarinong nuklear sa Asya-Pasipiko.
Saad ni Wang, ang pangako ng nasabing tatlong bansa sa pagsunod sa Nuclear Non-proliferation Treaty ay purong panlilinlang.
Ito ang unang pagkakataong ililipat ng isang estadong may sandatang nuklear ang nuclear submarine power reactors at weapons-grade highly enriched uranium sa isang estadong walang sandatang nuclear, aniya pa.
Hindi aniya maaaring mabisang masuperbisa ng IAEA ang ganitong kooperasyon sa ilalim ng umiiral na sistema, at hindi rin maigagarantiyang hindi gagamitin ng Australya ang nasabing mga materyales sa paggawa ng mga sandatang nuklear.
Aniya pa, dapat sundin ng naturang tatlong bansa ang kani-kanilang obligasyon ng Nuclear Non-proliferation Treaty at hinimok ang Sekretaryat ng IAEA na huwag i-endorso ang AUKUS deal.
Salin: Vera
Pulido: Rhio