Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas ng Pulong sa Mataas na Antas ng Diyalogo ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) sa mga Partido Pulitikal ng Daigdig sa pamamagitan ng video link Miyerkules, Marso 15, 2023, nanawagan si Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at Pangulo ng bansa sa mga kalahok na partido pulitikal na mahigpit na paghaluin ang sariling pag-unlad at modernisasyon ng kani-kanilang bansa, para bigyan ng patnubay at lakas-panulak ang modernisasyon.
Tinukoy ni Xi na ang inklusibong pakikipamuhayan, pagpapalitan at mutuwal na pagkatuto ay may di-mahahalinhang papel sa pagpapasulong sa modernisasyon ng lipunan ng sangkatauhan, at pagpapasagana ng iba’t-ibang sibilisasyon sa daigdig.
Iniharap din ni Xi ang Global Civilization Initiative, kung saan iminumungkahi ang paggalang sa dibersidad ng mga sibilisasyon sa mundo, pagpapalaganap sa common values ng buong sangkatauhan, pagpapahalaga sa pagpapamana at inobasyon ng mga sibilisasyon, at pagpapalakas sa pandaigdigang pagpapalitan at pagtutulungang tao-sa-tao.
Kaugnay ng landas ng Tsina sa modernisasyon, ipinagdiinan ni Xi na ito ay siguradong landas para sa pagtatatag ng mas malakas na Tsina, at pagsasakatuparan ng pag-ahon ng nasyong Tsino.
Ito rin ang landas na dapat tahakin tungo sa progreso ng sangkatauhan, at harmonya ng buong mundo, dagdag niya.
Diin ni Xi, patuloy na magpupunyagi ang CPC para panindigan ang pagkakaroon ng patas na pandaigdigang katarungan, at pagpapasulong sa kapayapaan at katatagan ng daigdig.
Sa ilalim ng temang "Path towards Modernization: The Responsibility of Political Parties," kalahok dito ang mahigit 500 lider ng mga partido pulitikal at organisasyong pulitikal mula sa mahigit 150 bansa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio