Pasyal sa Beijing Planetarium, paglilibang habang natututo

2023-03-17 16:13:07  CMG
Share with:


Ang Beijing Planetarium ay may lawak na mahigit dalawampung libong metro kuwadrado, at may dalawang pangunahing gusali – ang Building A at B.

 

Ang Building A ay ang lumang gusali ng Beijing Planetarium na itinayo noong 1957. Ito’y binubuo ng dalwang exhibition hall at isang dome-screen cinema.

 

Sa mga eksibisyon dito, naipapabatid sa mga turista ang kasaysayan ng pag-unlad ng mga teleskopyo, pagpapangalan sa mga konstelasyon, at paghahanap sa mga ekstraterestiyal na buhay.

 

Sa dome-screen cinema naman, puwedeng ma-enjoy ng mga tao ang napaka-astig na starry sky show sa napakalaking iskrin, habang pinagmamasadan ang mga konstelasyon sa gabi.

 

Ang Buiding B ay itinayo noong 2004. Dito ay puwedeng matutunan ng mga tao ang iba’t-ibang kaalamang pangkalawakan habang naglilibang sa mga interaktibong aktibidad.

 

Maaari rin ditong maramdaman ang pagkakaiba ng grabidad sa mga planeta ng solar system, sa pamamagitan ng pagpapa-angat ng mga idinisenyong bolang may magkaibang bigat.

 

Puwede ring maranasan dito ang eksena ng paglalakad sa buwan, sa pamamagitan ng movement sensor system.

 

Noong nag-aaral ako bilang exchange student sa Ateneo de Manila University noong 2019, ini-organisa ng pamantasan ang aming pagbisita sa Pambansang Museo ng Pilipinas, upang palalimin ang aming mga kaalaman hinggil sa Pilipinas sa mga larangang gaya ng kasaysayan, sining at agham.

 

Tulad ng mga Pilipino, palagian ding isinusulong ng pamahalaang Tsino ang pagpapalaganap ng mga kaalamang pansiyensiya’t panteknolohiya.

 

Dahil sa natamong mga tagumpay ng Tsina sa mga programang pangkalawakan nitong nakaraang mga taon, parami nang paraming tao, lalong-lalo na ang mga kabataan, ang nagiging interesado sa spaceflight, kalawakan at astronomiya, at pumupunta sa planetarium, para maragdagan ang kaalaman at payamanin ang pamumuhay.

 

Sa kasalukuyan, libu-libong mga turista ang nagpupunta sa Beijing Planetarium araw-araw, at isa na itong “internet-famous site.”



Video/Script: Kulas

Pulido: Rhio/Jade