Pangulong Tsino at punong ministro ng Rusya, nagtagpo

2023-03-22 15:08:27  CMG
Share with:

Moscow – Nagtagpo Martes, Marso 21, 2023 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Mikhail Mishustin ng Rusya.

 

Tinukoy ni Xi na bilang pinakamalaking magkapitbansa at komprehensibo, estratehiko at kooperatibong magkatuwang, ang pagpapanatili ng malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Ruso ay angkop sa lohikang historikal ng bilateral na relasyon at pundamental na kapakanan ng kani-kanilang mga mamamayan.

 

Lubos aniyang pinahahalagahan ng bagong pamahalaan ng Tsina ang pagpapaunlad ng komprehensibo, estratehiko at kooperatibong partnership sa Rusya, at nakahandang pasulungin, kasama ng panig Ruso, ang pagsasakatuparan ng bagong target ng kooperasyon ng dalawang bansa, sa pamamagitan ng mga mekanismo ng pagpapalitan na gaya ng regular na pagtatagpo ng mga punong ministro ng dalawang bansa.

 


Diin ni Xi, noong isang taon, sa harap ng masalimuot na kapaligirang panlabas, nanatiling mainam ang tunguhin ng komprehensibo’t pragmatikong kooperasyon ng Tsina at Rusya.

 

Dapat pasulungin ng kapuwa panig ang de-kalidad na kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan, patingkarin ang epektong tagapagpasulong ng malalaking proyekto ng konektibidad, at palakasin ang kooperasyon sa inobasyong pansiyensiya’t panteknolohiya, dagdag niya.

 

Saad ni Xi, lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang sinerhiya at kooperasyon ng Belt and Road Initiative (BRI) at Eurasian Economic Union (EEU), at nakahandang komprehensibong ipatupad, kasama ng panig Ruso at iba’t ibang bansa ng EEU, ang kasunduan sa kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng Tsina at EEU, at isagawa ang rehiyonal na kooperasyon sa mas mataas at malawak na antas.

 

Inihayag naman ni Mishustin ang kahandaan ng panig Ruso na palakasin ang kooperasyon sa Tsina sa mga larangang gaya ng pamumuhunan, kalakalan, enerhiya, natural gas, mapayapang paggamit ng enerhiyang nuklear, kalawakan, inobasyong pansiyensiya’t panteknolohiya, transportasyon at lohistikang transnasyonal at iba pa.

 

Umaasa rin siyang ibayo pang pahihigpitin ng kapuwa panig ang pagpapalitan at pagtutulungan sa kultura, kabataan, palakasan at iba pang larangan.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil