Kaugnay ng mga bagong karagdagang base-militar ng Amerika sa Pilipinas, inihayag Huwebes, Abril 6, 2023 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asang aalamin ng mga bansa sa rehiyon kung sino ang tunay na naglalaro ng apoy kaugnay ng usapin ng Taiwan Strait.
Ang pagsunod sa panlilinlang ng Amerika ay magreresulta sa pagpinsala sa sariling interes sa bandang huli, aniya.
Kaugnay nito, inihayag Miyerkules ni Carlito Galvez, Kalihim ng Kagawaran ng Depensa ng Pilipinas ang 4 na bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site ay makakatulong sa pagtatanggol sa kapakanan ng bansa at magbibigay-ambag sa depensa ng rehiyon.
Ito rin aniya ay upang pangalagaan ang abalang-abalang linyang komersyal sa baybayin ng South China Sea.
Bilang tugon, ipinagdiinan ni Mao na walang problema sa kalayaan at seguridad ng paglalayag sa South China Sea.
Aniya, nagpupunyagi ang Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang komprehensibo’t mabisang ipatupad ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), at pasulungin ang negosasyon sa Code of Conduct in the South China Sea (COC).
May mithiin at kakayahan ang Tsina at ASEAN na ipagtanggol ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea, at hindi kailangang makialam pa ang panlabas na puwersa sa rehiyon, dagdag niya.
Saad ni Mao, ikinatatakot din ng mga personaheng may pangmalayuang pananaw sa Pilipinas ang lokasyon ng nasabing 4 na EDCA site, dahil maaari anilang masangkot ang Pilipinas kung magkakaroon ng sagupaan sa Taiwan Strait.
Ang isyu ng Taiwan ay suliraning panloob ng Tsina, at ang pagresolba sa isyung ito ay suliranin ng mga Tsino, ani Mao.
Salin: Vera
Pulido: Rhio