“Transit” na biyahe ni Tsai Ing-wen sa Amerika, mariing kinondena ng Tsina

2023-04-06 15:25:24  CMG
Share with:

Sa panahon ng kanyang umano’y “transit” na biyahe sa Amerika, nagtagpo Huwebes, Abril 6, 2023 sina Tsai Ing-wen, lider ng Taiwan at Kevin McCarthy, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Amerika.

 

Kaugnay nito, magkakahiwalay na inihayag ng Ministring Panlabas, Ministri ng Tanggulang Bansa, Foreign Affairs Committee ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), at Taiwan Work Office ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ang mga mariing pagkondena rito.

 

Anang mga ito, sa kabila ng solemnang representasyon at paulit-ulit na paglalabas ng babala ng panig Tsino, walang pag-aalinlangang pinahintulutan ng panig Amerikano ang “transit” na biyahe ni Tsai, kinatagpo ng ika-3 pinakamataas na opisyal ng pamahalaang Amerikano, at nakipag-ugnayan sa mga opisyal at mambabatas ng Amerika.

 

Base sa mga ganitong kilos, kitang-kita ang pagsasabwatan ng Amerika at Taiwan, sa katuwiran ng “transit” na biyahe, saad ng mga pahayag.

 

Dagdag pa ng mga ito, halata ring kasangkot ang mga separatistang grupong naninindigan sa “pagsasarili ng Taiwan,” at nakikita ang substansyal pagpapataas ng relasyon ng Amerika at Taiwan.

 

Ito ay malubhang lumalabag sa simulaing isang Tsina at mga alituntunin ng Tatlong Magkasanib na Komunike ng Tsina at Amerika, malubhang nakakapinsala sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng Tsina, at naglabas ng maling senyal para sa mga puwersang nagnanais “magsarili ang Taiwan,” saad ng mga pahayag.

 

Ang isyu ng Taiwan ay pinakanukleong interes ng Tsina, sandigan ng pundasyong pulitikal ng relasyong Sino-Amerikano, at unang pulang linyang hindi dapat tawirin sa relasyong Sino-Amerikano.

 

Anang mga pahayag, muling hinihimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na sundin ang simulaing isang Tsina at mga alituntuning nabanggit na tatlong magkasanib na komunike, agarang itigil ang anumang porma ng opisyal na ugnayan sa Taiwan, at itakwil ang pag-a-upgrade ng relasyon ng Amerika sa Taiwan, ihinto ang paglikha ng maigting na kondisyon sa Taiwan Strait, at putulin ang tangkang “paninikil sa Tsina sa pamamagitan ng Taiwan.”

 

Pananatilihin ng People’s Liberation Army (PLA) ng Tsina ang alerto sa anumang sandali, para buong tatag na ipagtanggol ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa, at pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng Taiwan Strait, saad ng mga pahayag.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio