Ini-ulat Abril 8, 2023, ng Guangxi Civil Aviation Industry Development Co., Ltd., na lumapag kamakailan sa paliparan ng Nanning, lunsod sa timog kanluran ng Tsina, ang 18 toneladang sariwang durian mula sa Pilipinas.
Ito ang unang pangkat ng sariwang durian na inangkat ng Tsina mula sa bansa.
Ang Pilipinas ang ikatlong bansa sa daigdig na maaaring magluwas ng sariwang durian sa Tsina.
Sa tulong ng adwana sa paliparan, naisagawa ang mabilis at maginhawang clearance sa mga sariwang durian, para maibenta ang mga ito sa pamilihang Tsino sa lalong madaling panahon, anang kompanya.
Ayon naman sa Presidential Communications Office ng Pilipinas, ang naturang mga durian ay “Puyat Durian,” at inani mula sa rehiyon ng Davao.
Ihahatid pa sa Tsina ang mas maraming sariwang durian sa pamamagitan ng eroplano o bapor, dagdag nito.
Sa kabilang dako, inilathala sa social media ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na dahil sa bagong kaganapang ito, natupad ang pangarap ng mga magsasakang Pilipino, at makikinabang ang mga mamamayan ng kapuwa bansa sa kalakalan ng sariwang durian.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan