Pagsasapulitika ng paghahanap sa pinagmulan ng COVID-19, tinututulan ng Tsina

2023-04-09 18:53:14  CMG
Share with:

 

Abril 8, 2023, Beijing – Inihayag sa preskon ni Shen Hongbing, Puno ng Chinese Center for Disease Control and Prevention (China CDC), na hindi dapat isapulitika ang paghahanap sa pinagmulan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Sa paanyaya ng Tsina, dalawang beses aniyang ipinadala ng World Health Organization (WHO) ang mga dayuhang eksperto sa bansa para magsagawa ng pag-aaral sa pinagmulan ng COVID-19, kasama ng panig Tsino.

 

Ipinagkaloob ng panig Tsino sa mga eksperto ng WHO ang lahat ng mga materyales na may kinalaman sa COVID-19, at hindi pinagtakpan ang anumang kaso, sample, o resulta ng pagsubok at analisasyon, aniya pa.

 

Pagkatapos ng pag-aaral, inilabas aniya ng kapwa panig ang ulat, at ito’y kinikilala ng komunidad ng daigdig.

 

Sa kabila nito, ginawa aniya kamakailan ng ilang opisyal at eksperto ng ilang bansa ang mga iresponsableng pahayag para baluktutin ang resulta ng nasabing pag-aaral, at ang aksyong ito ay hindi siyentipiko, at garapal na paninirang-puri sa lahat ng mga siyentistang kalahok sa naturang pag-aaral.

 

Diin ni Shen, ito ay maliwanag na pagsasapulitika ng paghahanap sa pinagmulan ng COVID-19, at hindi katanggap-tanggap para sa mga siyentista sa Tsina at daigdig.

 

Matapos ang naturang pag-aaral noong 2021, ipinagpapatuloy ng Tsina ang paghahanap sa pinagmulan ng COVID-19 mula sa iba’t-ibang aspekto, at ibinabahagi ang mga natamong progreso sa komunidad ng daigdig sa pamamagitan ng mga ulat at publikasyon, dagdag niya.


Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan