Sa pulong Huwebes, Pebrero 16, 2023, ipinahayag ng Pirmihang Komite ng Pulitburo ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) na nitong nakalipas na tatlong taon, laging ipinapa-una ng Tsina ang buhay at kalusugan ng mga mamamayan, at ini-optimisa ang pagtugon sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) batay sa situwasyon – bagay na nakapagbigay ng sapat na panahon para sa maalwang transisyon.
Tinukoy sa pulong, na sapul noong Nobyembre 2022, ini-akma ang mga hakbangin sa pagpigil at pagkontrol sa COVID-19 na nakapokus sa pangangalaga ng kalusugan ng mga mamamayan at pag-iwas sa kritikal na kondisyon.
Natamo ang pangkalahatan at depinitibong tagumpay sa pagpigil at pagkontrol sa COVID-19, mahigit 200 milyong mamamayan ang nakatanggap ng kalingang medikal, halos 800,000 pasyenteng nasa kritikal na kondisyon ang nagamot, at napanatili sa pinakamababang lebel sa daigdig ang death rate, dagdag ng komite.
Anito pa, napapatunayan ng praktika, na tumpak ang mga pangunahing pagtasa, polisiya, desisyon at estratehiya ng CPC kaugnay ng COVID-19, mabisa ang mga hakbangin, at may pagkilala dito ang mga mamamayan.
Binigyang-diin sa pulong, na dapat lagumin ang mga karanasan nitong nakalipas na 3 taon, kumpletuhin ang kaukulang mekanismo at hakbangin, palakasin ang sistema ng serbisyong pangkalusugan, at patibayin ang mga natamong bunga.
Ang pulong ay pinanguluhan ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at Pangulo ng bansa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio