Pagkakaisa’t kooperasyon ng Tsina at mga bansa ng Gitnang Asya, ipinanawagan

2023-04-28 16:19:46  CMG
Share with:

Pinanguluhan ni Qin Gang, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina ang ika-4 na pagtatagpo ng mga ministrong panlabas ng bansa at 5 bansa ng Gitnang Asya sa lunsod Xi’an, lalawigang Shaanxi Huwebes, Abril 27, 2023.

 


Sa kanyang talumpati, nanawagan siya para sa pagkakaisa at kooperasyon sa pagitan ng dalawang panig.

 

Ang Tsina at mga bansa ng Gitnang Asya ay matalik na magkapitbansa, magkaibigan, magkatuwang, at magkapatid na may pinagbabahaginang kinabukasan, kaya nararapat lamang aniyang ipagpatuloy ang pagkakaisa sa mga isyung may kinalaman sa nukleong interes ng dalawang panig; pasulungin ang de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road; palawakin ang kooperasyon sa hay-tek; pag-ibayuhin ang pagpapalitan ng mga karanasan sa pangangasiwa ng bansa; at pahigpitin ang multilateral na koordinasyon.

 

Ito ay upang makapag-ambag sa pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan, at pagpapasulong sa usapin ng kapayapaan at kaunlaran ng daigdig, dagdag ni Qin.

 


Samantala, ginawa ng mga ministrong panlabas ang komprehensibong paghahandang pulitikal para sa gaganaping China-Central Asia Summit.

 

Anila, ang naturang summit ay lilikha ng bagong kabanata sa relasyong Sino-Gitnang Asya, magdudulot ng bagong pagkakataon para sa transpormasyon at pag-unlad ng mga bansa ng Gitnang Asya, at magpapataas ng impluwensiyang panrehiyon.

 

Pinahalagahan din ng mga ministrong panlabas ang konstruktibong pag-uusap sa telepono ng mga pangulo ng Tsina at Ukraine.

 

Nananalig anila silang makakatulong ito sa pagkakaroon ng tigil-putukan at pagpapanumbalik ng talastasang pangkapayapaan sa pagitan ng Rusya at Ukraine, sa lalong madaling panahon.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio