Manila – Sa pakikipagtagpo Sabado, Abril 22, 2023 ni Pangulong Ferdinand R. “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) kay Qin Gang, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sinabi niyang nananatiling mainam at hitik sa bunga ang ugnayan at kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa loob ng mahabang panahon.
Diin niya, ang usapin ng Taiwan ay suliraning panloob ng Tsina, at tulad ng dati, iginigiit ng Pilipinas, ang prinsipyong isang-Tsina.
Sumusunod aniya ang Pilipinas sa prinsipyo ng pagsasarilli at pagpapasiya sa sarili, at hindi pagpanig kaninuman.
Dagdag ni PBBM, handa siyang pasulungin ang pagkakaibigang Pilipino-Sino; palawakin ang kooperasyon; palakasin ang pag-uugnayan; maayos na pangasiwaan ang mga isyung pandagat para hindi tuluyang maging hadlang sa pangkalahatang kalagayan ng bilateral na relasyon ng Pilipinas at Tsina; at pangalagaan ang kapayapaan at kasaganaan ng Timogsilangang Asya.
Tinukoy naman ni Qin, na ayon sa magkasanib na pahayag na inilabas sa pagdalaw ni PBBM sa Tsina noong unang dako ng taong ito, kinumpirmang magiging matalik na magkapitbansa, magkapamilya at magkatuwang ang Tsina’t Pilipinas.
Umaasa aniya siyang magkasamang magpupunyagi ang dalawang panig, upang isakatuparan ang layunin at ekspektasyong ito.
Ani Qin, umaasa rin ang pamahalaang Tsino, na sasamantalahin ng pamahalaang Pilipino ang pangkalahatang tunguhin ng kasaysaysan; maayos na pangangasiwaan ang mga isyung may kinalaman sa Taiwan at dagat, batay sa pangkalahatang kalagayan ng kapayapaan at katatagan ng rehiyon at pundamental na kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa; aktuwal na tutugunan ang lehitimong pagkabahala ng panig Tsino; igagalang ang soberanya, seguridad at kabuuan ng teritoryo ng Tsina; at ipapatupad ang pangako sa paggigiit sa estratehikong pagsasarili at hindi pagpanig kaninuman.
Sa harap ng mga bagong kalagayan at hamon, kailangan aniyang palalimin ng kapuwa panig ang pag-uugnayan, pahigpitin ang pagtitiwalaan, at likhain ang mainam na kondisyon para sa pagpapasulong sa kooperasyon, upang maigarantiya ang patuloy na pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino sa malusog, matatag at tumpak na landas.
Samantala, ipinarating din ni PBBM kay Qin ang pangungumusta kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Nang araw ring iyon, magkahiwalay na bumisita si Qin kina Pangalawang Pangulong Sarah Duterte, at dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kinausap din siya ni Kalihim Enrique Manalo ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas.
Salin: Vera
Pulido: Rhio