Estratehikong pagsasarili at kooperasyong panseguridad, hinimok ng ministrong panlabas ng Tsina sa pulong ng SCO

2023-05-06 15:57:36  CMG
Share with:

Goa, Indya – Dumalo Biyernes, Mayo 5, 2023 si Qin Gang, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sa pulong ng mga ministrong panlabas ng Shanghai Cooperation Organization (SCO).

 


Saad ni Qin, bilang mahalagang konstruktibong puwersa sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, dapat buong tatag na palaganapin ng SCO ang “Diwa ng Shanghai” sa pabagu-bagong kalagayang pandaigdig, at buuin ang mas mahigpit na komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng SCO.

 

Iminungkahi niyang dapat igiit ang estratehikong pagsasarili, at palakasin ang pagkakaisa at pagtitiwalaan; dapat palalimin ang kooperasyong panseguridad, at ipagtanggol ang kapayapaan ng rehiyon; dapat imungkahi ang pagbubukas at pagbibigayan, at pasulungin ang interconnected development; dapat manatiling patas at makatarungan, at kumpletuhin ang global governance; dapat pag-ukulan ng pansin ang pangmalayuang pag-unlad, at palakasin ang pagbuo ng mga mekanismo.



Binigyan naman ng iba’t ibang kalahok na panig ng positibong pagtasa ang ginawang ambag ng SCO para sa pagpapasulong sa seguridad at kaunlaran ng rehiyon.

 

Sang-ayon silang ibayo pang palakasin ang kooperasyong panseguridad, pasulungin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng transportasyon, enerhiya, pinansya, pamumuhunan, malayang kalakalan, at digital economy, palalimin ang konektibidad ng rehiyon at pagpapalitang tao-sa-tao, at isakatuparan ang komong kaunlaran.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil