Inihayag Linggo, Mayo 7, 2023 ng Liga ng mga Bansang Arabe (AL), na dahil sa ekstraordinaryong pulong ng mga ministrong panlabas ng liga, na idinaos nang araw ring iyon, napagpasiyahang panumbalikin ang pagiging miyembro ng Syria sa liga.
Sumang-ayon din silang ibayo pang magpunyagi, upang tulungan ang Syria na makahulagpos sa krisis.
Inulit din ng mga ministrong panlabas ang kanilang pangako upang pangalagaan ang soberanya, kabuuan ng teritoryo, katatagan, at integridad na panrehiyon ng Syria, alinsunod sa karta at mga simulain ng AL.
Bukod diyan, plano ng mga ministrong panlabas na itayo ang isang komisyong ministeryal na bubuuin ng Jordan, Saudi Arabia, Iraq, Lebanon, Ehipto at pangkalahatang kalihim ng AL, upang ipagpatuloy ang direktang diyalogo sa pamahalaan ng Syria para marating ang plano sa komprehensibong pagresolba ng krisis sa bansa.
Matatandaang noong 2011, sinuspinde ng AL ang pagiging miyembro ng Syria, at isinara ng maraming bansang Arabe ang kani-kanilang pasuguan sa bansa.
Kasabay ng pagbabago ng kalagayan sa Syria at rehiyon, nanawagan ang mga bansang Arabe sa AL na panumbalikin ang pagiging miyembro ng bansa.
Dahil dito, muling binuksan ng maraming bansa ang kanilang mga pasuguan sa Syria o border port na kahangga ng Syria.
Salin: Vera
Pulido: Rhio