Liham ng mga Gitnang Asyanong estudyante, sinagot ni Xi Jinping

2023-05-16 15:13:14  CMG
Share with:

Sa kanyang sagot kamakailan sa liham ng mga Gitnang Asyanong estudyante ng China University of Petroleum-Beijing, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang paghimok upang gumawa sila ng mas malaking ambag sa pagpapasulong ng relasyon ng Tsina at kanilang rehiyon.

 

Tinukoy ni Xi na noong 2013, iniharap niya sa Gitnang Asya ang inisyatiba hinggil sa magkakasamang pagtatatag ng Silk Road Economic Belt.

 

Nitong nakalipas na dekada, patuloy aniyang tumaas sa bagong antas ang relasyon ng Tsina at Gitnang Asya, at mabilis na sumulong ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, bagay na nakapaghatid ng biyaya sa mga mamamayan ng kapuwa panig.

 

Diin niya, kailangang ipamana at palaganapin ng mga kabataan ang mapagkaibigang relasyon ng Tsina at mga bansang Gitnang Asyano sa mga darating pang henerasyon.

 

Bilang saksi, benepisyaryo, tagapagtatag at tagapaglaganap ng ganitong relasyon, ang mga estudyante ani Xi ay dapat aktibong makilahok sa pagpapalakas ng pagkakaibigan ng Tsina at mga bansa ng Gitnang Asya, palaganapin ang diwa ng Silk Road, mabuting ikalat ang kuwento ng Tsina at Gitnang Asya, maging embahador ng pagkakaibigan at tulay ng kooperasyon, at gawin ang sariling ambag sa pagtatatag ng mas malakas na komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng dalawang panig.

 

Nauna rito, isang liham ang ipinadala ng nasabing mga estudyante kay Xi, upang ikuwento ang kani-kanilang pag-aaral at pamumuhay sa Tsina, at ipahayag ang kanilang determinasyon sa pag-aaral, pagpapalakas ng kooperasyon, at pagbibigay-ambag sa pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Gitnang Asya at Tsina.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio