Mga Pilipinong estudyante, nagpakitang gilas at nagbahagi ng kultura sa pagdiriwang ng ICF

2023-05-25 17:41:29  CMG
Share with:

Philippine booth sa ICF ng Beijing Institute of Technology


Tuwing sasapit ang buwan ng Mayo, samu’t saring International Cultural Festival (ICF) ang pinagdiriwang ng iba’t ibang unibersidad sa Beijing at sa unang pagkakataon, pagkatapos ng apat na taong pagkaantala, ito ay nilahukan ng mga Pilipinong estudyante.

 

Kumakanta si Kristine Venesse Anunsawon, estudyante ng BIT


Nagpakitang gilas ang mga Pilipinong estudyante mula sa Beijing Institute of Technology (BIT), sa pamumuno ni Kristine Venesse Anunsawon, kumukuha ng Management Information and Information System, sa pamamagitan ng pagkanta at pagsayaw.

 

Ayon kay Kristine, sa totoo lang, ang pestibal ay hindi ginanap sa loob ng apat na taon at sa wakas, ito ay ginanap ngayong taon.

 

Ayon sa kanya, ang palabas namin ay ang unang pagkakataon na makikita sa BIT, tuwang-tuwa ang mga gurong Tsino at inaabangan ang aming pagtatanghal, at tuwang-tuwa ako na makasali sa pagdiriwang na ito.

 

Mga Pilipinong estudyanteng nagtatanghal ng Tinikling at Cariñosa


Tinampok din sa naturang pestibal ang pagsasayaw ng Tinikling at Cariñosa, kung saan ito ay hinangaan at pinalakpakan ng mga manonood, gurong Tsino at estudyanteng mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

 

Abalang-abala si Welmar sa pag-aayos ng Philippine booth


Ayon kay Welmar T. Arangues, kumukuha ng International Economics and Trade, makakakuha ito ng positibong feedback mula sa mga manonood, dahil ito ang unang pagkakataon na makakakita sila ng tradisyonal na sayaw mula sa Pilipinas.

 

Ayon sa kanya, maging ang ilan sa aming mga kaibigan ay talagang inaabangan ang aming pagtatanghal, at nanatili pa rin sila sa kabila ng lagay ng panahon para lamang makita kaming magtanghal.

 

Sa pananaw ni Welmar, ang pagdiriwang ng ICF ay napakahalaga para sa kanyang kursong International Economics and Trade, dahil lumilikha ito ng napakalaking epekto sa mga kalakalan at negosyo.

 

Dagdag pa niya, ang pagiging exposed sa kultura ng iba’t ibang bansa ay lubhang nakakatulong sa usaping negosyo, dahil malaki ang epekto nito sa market trends at demands.

 

Mga produkto ng Oishi

Paglalaro ng Hep Hep, Hooray


Ibinida din ng mga estudyante ang iba’t ibang klase ng pagkain, produkto at laro mula sa Pilipinas at maraming bisita ang natuwa dahil sa dami ng papremyong pinamigay.

 

Mae Hernalin, estudyante ng BIT, ikalawa mula sa kaliwa


Ayon kay Mae Hernalin, kumukuha ng Business Administration, ang huling ICF ay ginanap apat na taon na ang nakakaraan, kaya ang kaganapan ngayon ay parang bagong karanasan sa amin.

 

Ayon sa kanya, sana ay nasiyahan sila sa sayaw na ginawa namin, sa mga pagkaing inalok, at sa mga laro at premyo na pinamigay, sana ay nagkaroon sila ng magandang karanasan sa pagpunta sa aming booth.

 

Sa palagay niya, malaki ang epekto ng ICF sa kanyang pag-aaral ng Business Administration, dahil maaaring maobserbahan ang iba't ibang kultura ng mga tao.

 

Pinagsasama-sama ng pagdiriwang ng ICF ang magkakaibang komunidad upang magsaya at maranasan ang musika, sayaw, pagkain, at sining ng iba't ibang kultura.

 

Ito ay isang mahusay na paraan ng mga Tsino upang isulong ang pakikipag-ugnayan at pag-aaral tungkol sa iba’t iba pang mga kultura mula sa buong mundo.


Philippine booth sa ICF ng Tsinghua University

Charmaine Paula Magbuhos, estudyante ng Tsinghua University


Ibinahagi naman ng mga Pilipinong estudyante mula Tsinghua University, sa pamumuno ni Charmaine Paula Magbuhos, kumukuha ng Global Business Journalism program, ang kanilang karanasan sa unang pagkakataon ng pagsali sa ICF.

 

Ayon kay Char, sobrang ganda ang selebrasyon ng ICF, lalo na ito ang unang selebrasyon pagkatapos ng apat na taong pagkakaantala. Gusto ko sanang higit pang mga pagtatanghal sa bawat bansa ang maganap at isang plataporma sa entablado para pag-usapan ang aking minamahal na bansa.

 

Ayon sa kanya, kailangan kong ihanda ang mga laro, disenyo ng booth, konsepto, at siyempre, ang pagkain. Lubos akong nagpapasalamat sa mga taong gumawa ng ating Philippine booth. Kung wala sila, ang booth ay magiging isang bakanteng booth na walang anumang “Filipino touch” na makikita.

 

Dagdag pa niya, maraming tao sa Tsinghua ang nagsabi na ang Filipino booth ay pinakamahusay, pinaka-malikhain, at pinaka-kawili-wili, kaya nasiyahan sila. Nagustuhan din nila ang mga sariwang prutas, mga larong wikang Pilipino at mga tradisyonal na pananamit na nakita nila.

 

Sa pananaw ni Char, bilang isang student journalist, ang ICF ay napakahalaga dahil maaari niyang makilala at makahalubilo ang mga tao mula sa iba’t ibang kultura, at makipag-ugnayan sa kanila.

 

Henry Ruta Zheng, estudyante ng Tsinghua University, una mula sa kaliwa


Para naman kay Henry Ruta Zheng kumukuha ng Control Science and Engineering, Automation Department, ito naman ang kanyang unang pagkakataon na sumali sa ICF mula nung pumasok siya noong 2020.

 

Ayon kay Henry, ang ICF sa taong ito ay napaka-impressing at higit sa lahat, nagkaroon kami ng pagkakataon na ipakita ang aming katutubong kulturang Filipino. Nakikita ko na interesado ang mga tao na malaman pa ang tungkol sa Pilipinas, maraming tao ang interesado sa tradisyunal pananamit ng mga Pilipino at patuloy na nagtatanong tungkol sa aming kasaysayan.

 

Ayon sa kanya, idinisenyo namin ang Philippine booth bilang isang sari-sari store, dahil ito ay napakahalaga sa pang-araw-araw na buhay. Naghanda kami ng mga ilang laro tulad ng Filipino tongue twisters at nagulat siya, dahil sa isang bigkas lang, natandaan kaagad ng mga manlalaro.

 

Dagdag pa niya, naghanda rin kami ng maraming prutas at snacks mula sa Pilipinas. Nagulat din ang mga tao na ang mga produkto ng Oishi ay galing Pilipinas.

 

Sa pananaw ni Henry, ang pagdiriwang ng ICF ay hindi direktang makaapekto sa kanyang pinag-aaralan, ngunit bilang isang Pilipino, nagkaroon siya ng pagkakataong ibahagi at ipaalam ang kanyang kultura sa mas maraming tao at isa rin sa kanyang layunin ay mag-immerse sa kulturang Tsino. Nais din niyang ipakita ang mga pagpapahalaga, kabaitan at hospitality ng mga Pilipino.

 

Artikulo/Larawan: Ramil Santos
Salamat kay Charmaine Paula Magbuhos para sa iba pang mga larawan