Isinalaysay Lunes, Mayo 29, 2023 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina na mula Mayo 15 hanggang 26, bumisita sa Ukraine, Poland, Pransya, Alemanya, punong himpilan ng Unyong Europeo (EU) at Rusya si Li Hui, Espesyal na Kinatawang Tsino sa mga Usapin ng Eurasia, upang malawakang makipag-ugnayan at makipagpalitan sa iba’t-ibang panig hinggil sa pulitikal na solusyon sa krisis ng Ukraine, ilahad ang paninindigan ng panig Tsino, pakinggan ang kuru-kuro at mungkahi ng iba’t-ibang panig, at pagtipun-tipunin ang mas maraming pandaigdigang komong palagay.
Samantala, pinahahalagahan naman ng iba’t-ibang panig ang pagbisita ng kinatawang Tsino, pinapurihan ang positibong papel ng Tsina sa pagpapasulong ng talastasang pangkapayapaan, at pinuri ang panawagan ng Tsina sa paggalang sa soberanya at kabuuan ng teritoryo at pagsunod sa mga simulain ng Karta ng United Nations (UN), ani Mao.
Umaasa rin aniya silang patuloy na gagampanan ng Tsina ang konstruktibong impluwensiya.
Diin niya, nasa pangkagipitan at masusing kalagayan pa rin ang krisis ng Ukraine.
Kaya, sa susunod na hakbang, patuloy aniyang magsisigasig ang Tsina upang tupdin ang apat na aspekto, apat na prinsipyo at tatlong obserbasyon na iniharap ni Pangulong Xi Jinping, palakasin ang pakikipagdiyalogo at pakikipagpalitan sa iba’t-ibang panig, at gagawin ang ambag para sa pulitikal na pagresolba sa krisis ng Ukraine.
Salin: Vera
Pulido: Rhio