Resepsyon para sa Ika-125 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas, idinaos sa Beijing

2023-06-10 18:43:07  CMG
Share with:

Entablado ng selebrasyon ng Ika-125 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas

 

Sa ilalim ng temang "Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan," idinaos Hunyo 8, 2023 sa Grand Ballroom ng Regent Hotel, Beijing ang resepsyon para sa Ika-125 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas.

 

Pagbibigay talumpati ni Embahador Jaime A. FlorCruz


Sa harap ng napakaraming panauhin, mga diplomata sa Tsina ng iba't-ibang bansa, opisyal ng Ministring Panlabas ng Tsina, Pilipinong naninirahan sa Beijing, mga kaibigang Tsino, media at marami pang iba, sinabi ni Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na "matapos ang mahabang tatlong taon, tunay na kahanga-hangang personal nang naipagdiriwang ang espesyal na okasyong ito, kasama ang mabubuting kaibigan at kasamahan."

 

Aniya, ang nasabing tema ay isang paala-ala kung paano buong gilas at tapang na nakipaglaban ang mga ninunong Pilipino upang makamit ang pambansang pagkakakilanlan.

 

"Para sa aming mga Pilipino, ito ay isang panahon ng pagninilay sa biyaheng tinahak ng aming pinakamamahal na bansa sa nakaraang panahon," pahayag ng embahador.


Photo booth para sa selebrasyon ng Ika-125 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas

 

Paliwanag pa niya, ang paghahanap ng kasarinlan ng Pilipinas na nakamit noong 1898 ay nagkaroon ng hubog at tibay nang magtipun-tipon sa bayan ng Malolos, Bulacan ang nasa 100 delegado mula sa apat na sulok ng Pilipinas, upang makibahagi sa mga talakayan at diskusyon, para makalikha ng isang konstitusyon na magtatakda ng mga karapatan at pangarap ng mga Pilipino.

 

Ani FlorCruz, ito ay kilala ngayon bilang Kongreso ng Malolos na siyang nagbigay-daan sa Konstitusyon ng Malolos at pagkakatatag ng unang republika sa Asya – ang Republika ng Pilipinas.

 

Ang konstitusyong ito, na pinagtibay noong Enero 1899 ang nagtakda ng isang demokratikong pamahalaan na may magkakahiwalay na sangay: Ehekutibo, Lehislatibo, at Hudikatura.

 

Ito ang nagtakda ng mga prinsipyong tulad ng paghihiwalay ng simbahan at estado, pangkalahatang karapatan sa pagboto, at pagsusulong ng edukasyon.

 

Ang Kongreso ng Malolos ay marka ng isang mahalagang tagumpay sa pakikibaka ng Pilipinas para sa kalayaan, at simbolo ng hangarin ng mga Pilipino para sa sariling pamamahala at pagtatatag ng isang malayang bansa.

 

Anang embahador, lumaki siyang may-pagmamalaki sa historikal na legasiya at patriotismong ipinamalas ng Malolos dahil ito ang kanyang lupang-tinubuan.

 

Sa kasalukuyan, kahit napabagal aniya ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID) ang kabuhayan ng Pilipinas, ipinagpapatuloy pa rin ng bansa ang biyahe tungo sa pag-unlad, kasama ang komunidad ng daigdig.


Pagtatanghal ng The Nightingales at Lakbai Guitar Duo

 

Aniya, sa pagdiriwang ng Ika-125 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas, binabalik-tanaw ng bansa ang kasaysayan ng pakikipagkaibigan sa Tsina.

 

Kaugnay nito, ipagdiriwang sa Hunyo 9, 2023 ang Ika-48 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Diplomatikong Relasyon ng Pilipinas at Tsina, saad ni FlorCruz.

 

Bagamat nasa halos 50 taon pa lamang ang pormal na Relasyong Pilipino-Sino, ang pagpapalitan at bilateral na ugnayan ng mga mamamayan ng dalawang bansa ay mayroon nang mahigit isanlibong taong kasaysayan.

 

"Kahit sa panahon ng pandemiya, napalakas pa rin ng mga Pilipino at Tsino ang pakikipag-ugnayan sa isa't-isa," saad ng embahador.

 

Tinanggap aniya ng Pilipinas mula sa Tsina ang unang batch ng bakuna kontra COVID-19, na nagbigay ng unang hakbang tungo sa pagkakaroon ng malawakang programa ng imunisasyon at nagkaloob ng panahon upang mabuting labanan ang sakit.

 

"Kami ay nagpapasalamat sa Tsina para sa mapagkaibigang tulong," hayag pa ni FlorCruz.

 

Nagpasalamat din siya sa kontribusyon ng bawat Pilipino at Tsinong nag-alay ng lahat ng makakaya upang sugpuin ang pandemiya.

 

Dagdag niya, sa pagbisita sa Beijing ngayong taon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kung saan nakatagpo niya si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, lalo pang napalakas ang pag-uugnayan ng dalawang bansa.

 

"Pinagtibay ang pagtutulungan sa edukasyon, two-way na turismo, at pagpapalitang tao-sa-tao," anang embahador.

 

Ipinagpatuloy aniya ng mga ito ang pagbubukas ng oportunidad tungo sa interaksyon at pagkakaunawaan ng mga Pilipino at Tsino.

 

Pagbibigay ng wine toast nina Embahador Jaime A. FlorCruz at Assistant Foreign Minister Nong Rong


Bukod pa riyan, sinabi rin ni FlorCruz na ninanais ng Pilipinas na makipagtulungan sa Tsina sa mga larangang gaya ng imprastruktura, enerhiya, konektibidad at iba pa.

 

"Noong 2022, sa kabila ng pananalasa ng pandemiya, ang Tsina ang siya pa ring pinakamalaking kasosyong pang-negosyo, pangatlong pinakamalaking merkado ng pagluluwas, pinakamalaking pinagmumulan ng pag-aangkat, at isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng pondong dayuhan ng Pilipinas," saad pa niya.

 

Dahil sa pagbisita ni Pangulong Marcos Jr. noong Enero ng taong ito, umaasa si FlorCruz, na mananatili ang Tsina bilang isa sa mga pangunahing kasosyo sa kalakalan at pamumuhunan ng Pilipinas sa mga susunod pang taon.

 

Sa nasabing pagdalaw, sinaksihan aniya nina Pangulong Marcos Jr. at Pangulong Xi ang paglagda sa mga kasunduan sa agrikultura, kung saan kabilang ang pagpapabilis ng pagpasok sa merkadong Tsino ng mga sariwang Durian ng Pilipinas.

Dagdag ni FlorCruz, personal niyang nasaksihan noong nakaraang Abril ang pagdidiskarga ng unang pangkat ng sariwang Durian na nagmula pa sa katimugang Pilipinas.

 

"Kami ay natutuwa dahil nakapasok na sa merkadong Tsino ang mga Durian ng Pilipinas," kuwento niya.

 

Sa pagpapaliwanag ng direksyong nais tahakin ng Pilipinas sa hinaharap, sinipi ng embahador ang kasabihang Pilipinong, "Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan."

 

Aniya, ito ang dahilan kung bakit nililingon ng Pilipinas ang kasaysayan, pumupulot ng aral mula sa nakaraan, at matatag na humahakbang-pasulong, habang pinahahalagahan ang kalayaan, ipinagsasanggalang ang kasarinlan, at ipinagpapatuloy ang pagtatayo ng isang masagana at malakas na republika.

 

"Ang Pilipinas ay isang bansang taas-noo, kaibigan ng lahat, at kaaway ng walang sinuman," mariing pahayag ni FlorCruz.

 

Reporter: Rhio Zablan at Ramil Santos