Berlin, Alemanya – Magkasamang nangulo Martes, Hunyo 20, 2023 sina Premyer Li Qiang ng Tsina at Chancellor Olaf Scholz ng Alemanya sa ika-7 konsultasyon sa pagitan ng mga pamahalaan ng dalawang bansa.
Pinakinggan nila ang ulat ng mga namamahalang tauhan ng 22 departamento ng diplomasya, kabuhaya’t kalakalan, industriya, pinansya’t piskal, hudikatura, transportasyon, edukasyon, siyensiya’t teknolohiya, kalusugan, pangangalaga sa kapaligiran, kaunlaran at iba pa hinggil sa proseso ng pagpapasulong sa kooperasyon ng Tsina at Alemanya sa kaukulang larangan.
Ipinalalagay ng kapuwa panig na ang pagpapalalim ng kanilang kooperasyon sa mas mataas na antas batay sa mas mataas na pamantayan at mas magandang kalidad ay angkop sa kapakanan ng dalawang bansa, at mayroon din itong kahulugang pandaigdig.
Sinang-ayunan ng magkabilang panig na itayo ang mekanismo ng diyalogo at kooperasyon sa pagbabago ng klima at berdeng transisyon, idaos ang ika-3 China-Germany High Level Financial Dialogue at bagong edisyon ng Sino-German Environmental Forum at diyalogo sa kalusugan, at patuloy na palalimin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhaya’t kalakalan, pamumuhunan, pagyari ng sasakyang de motor, hi-tech, bagong enerhiya, digital economy, pagpapalitang tao-sa-tao at iba pa.
Pagkatapos ng konsultasyon, sinaksihan nina Premyer Li at Chancellor Scholz ang paglagda ng mga dokumento ng bilateral na kooperasyon sa mga larangang kinabibilangan ng pagharap sa pagbabago ng klima, inobasyon, modernong pagyari, vocational education at iba pa.
Sa pakikipag-usap kay Scholz bago idaos ang konsultasyon, tinukoy ng premyer Tsino na ang mga natamong bunga ng kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng dalawang bansa nitong nakalipas na mahigit kalahating siglo ay nagdulot ng aktuwal na benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan.
Inihayag naman ni Scholz ang pagtanggap sa pagsasakatuparan ng Tsina ng kaunlaran at kasaganaan, at ang pagtutol sa anumang porma ng decoupling.
Diin niya, ang de-risking ay hindi nangangahulugan ng "de-sinicization."
Nagpalitan din sila ng kuru-kuro hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nilang pinahahalagahan.
Salin: Vera
Pulido: Ramil