Idinaos Hunyo 20, 2023, sa Berlin, Alemanya, ang seremonya ng pagpipinid ng Ika-11 Porum ng Tsina at Alemanya sa Ekonomiko at Panteknolohiyang Kooperasyon, na magkasamang nilahukan nina Premyer Li Qiang ng Tsina at Olaf Scholz, Chancellor ng Alemanya.
Chinese Premier Li Qiang addresses the closing ceremony of the 11th China-Germany Economic and Technical Cooperation Forum in Berlin, Germany, June 20, 2023. /Xinhua
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Li na sa kasalukuyang pagbabago at magulong kalagayan, ang pagpapalakas ng kooperasyon ay tumpak na paraan, ito rin ang tamang bagay na dapat gawin nating lahat na may buong pagsisikap.
Tinukoy ni Li na napakahalaga ng bunga at karanasan ng ekonomiko at panteknolohiyang kooperasyon ng Tsina at Alemanya. Dapat magkasamang magsikap ang Tsina at Alemanya para palalimin ang kooperasyong pangkabuhayan at panteknolohiya, para palakasin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng Tsina at Europa, at pasulungin ang pag-unlad ng buong daigdig.
Samantala, ipinahayag ni Scholz na hindi tatahakin ng Alemanya ang landas ng anti-globalisasyon. Igigiit aniya ng Alemanya ang patakaran ng pagbubukas sa labas, patuloy na palalakasin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina, pasusulungin ang mabilis na pag-unlad ng kooperasyon ng dalawang bansa pagkatapos ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Aniya, nakahanda ang Alemanya na lutasin ang problemang umiiral sa kooperasyon ng Tsina at Alemanya sa pamamagitan ng komunikasyon at diyalogo.
Lumahok din sa seremonya ang mahigit 200 kinatawan ng kabuhayan at negosyo ng Tsina at Alemanya.
Bago ang paglahok sa porum, magkasamang dumalo sina Li at Scholz sa round table na nilahukan din ng mahigit 30 kinatawan ng mga negosyante ng Tsina at Alemanya.
Ipinahayag ng mga kalahok na kinatawan, na ang Tsina at Alemanya ay mahalagang partner na pangkooperasyon. Suportado ng mga negosyante ng dalawang bansa ang patakaran ng pagbubukas sa labas.
Naninindigan silang lubos na patitingkarin ang papel ng mga mekanismo na tulad ng China-Germany economic advisory committee at iba pa, palalakasin ang pagpapalitan, palalalimin ang dekalidad na kooperasyon ng dalawang panig sa inobasyon, digital economy, berdeng pag-unlad at iba pang larangan, para isakatuparan ang panalu-panalong resulta at magkakasamang pag-unlad.
Salin:Sarah
Pulido:Ramil