Lumahok kagabi, Hunyo 21, 2023, local time, sa Paris, Pransya, si Premyer Li Qiang ng Tsina, sa bangkete kasama ni Bruno Le Maire, Ministro ng Kabuhayan at Pinansyo ng Pransya, at mahigit 100 kinatawan mula sa sirkulo ng negosyo ng Pransya at Tsina.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Li, na nitong halos 60 taon sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Pransya, nananatiling umuunlad ang relasyon ng dalawang bansa, at natatamo ng kanilang kooperasyon ang mga kapansin-pansing bunga.
Kapwa aniyang itinataguyod ng dalawang bansa ang pagkakaisa, pagtutulungan, multilateralismo, at pagpapabuti ng pandaigdigang pangangasiwa.
Para palalimin ang kooperasyon ng Tsina at Pransya, iniharap ni Li ang tatlong mungkahi: magkasamang paggarantiya sa ligtas at matatag na pandaigdigang kadena ng industriya at suplay, pagpapalakas ng kooperasyon sa inobasyon, at magkasamang paglikha ng magandang kapaligirang pangnegosyo.
Nanawagan din siya sa mga negosyante ng Tsina at Pransya, na isakatuparan ang mas malaking pag-unlad ng kani-kanilang kompanya sa pamamagitan ng pagpapalalim ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, para ibayo pang pasulungin ang kooperasyong Sino-Pranses at Sino-Europeo.
Ipinahayag naman ni Le Maire, na mabunga ang relasyon ng Pransya at Tsina, at mainam ang tunguhin ng pag-unlad nito.
Umaasa aniya ang mga kompanyang Pranses, kasama ng panig Tsino, na palalimin ang kooperasyon sa mga aspekto ng abiyasyon, pagkain, renewable energy, at iba pa.
Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos