Tsina at Biyetnam, kailangang palalimin ang pagpapalitan ng karanasan sa pangangasiwa – Xi Jinping

2023-06-28 15:36:15  CMG
Share with:

Great Hall of the People, Beijing – Sa kanyang pakikipagtagpo Martes, Hunyo 27 kay dumadalaw na Punong Ministro Pham Minh Chinh ng Biyetnam, ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na dapat isagawa ng kapuwa panig ang de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road, palakasin ang sinerhiya ng mga estratehiyang pangkaunlaran, patingkarin ang bentahe ng pagkokomplimentuhan, at pabilisin ang pragmatikong kooperasyon sa mga larangang gaya ng imprastruktura, matalinong adwana, berdeng enerhiya at iba pa.

 

Nakahanda aniya ang Tsina na angkatin ang mas maraming produktong Biyetnames na makakatugon sa pangangailangan ng merkado, at winewelkam ang aktibong pagsali ng Biyetnam sa Ika-3 Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF) at China International Import Expo (CIIE) na gaganapin sa huling hati ng taong ito.

 

Dapat aniyang pasaganain ng kapuwa panig ang pagpapalitang tao-sa-tao, at pahigpitin ang pag-uunawaan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, lalong lalo na, ng mga batang henerasyon.

 

Dapat magkasamang tutulan ng magkabilang panig ang decoupling at pagsasapulitika ng mga isyung pangkabuhayan, pansiyensiya’t panteknolohiya, panindigan ang pandaigdigang pagkamakatarungan at pagiging patas, ipagtanggol ang sariling kapakanang pangkaunlaran, at likhain ang mapayapa’t matatag na kapaligirang panlabas para sa modernisasyon ng dalawang bansa, dagdag ni Xi.

 


Inihayag naman ni Pham Minh Chinh na buong tatag na nananangan ang kanyang bansa sa prinsipyong isang-Tsina, at sumusuporta sa pagsapi ng Tsina sa Comprehensive and Progressive Agreement for Trans-Pacific Partnership.

 

Patuloy at aktibong sasali ang Biyetnam sa kooperasyon ng Belt and Road, palalalimin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan, at pasusulungin ang walang humpay na pag-unlad ng relasyong Biyetnames-Sino, aniya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil