Premyer Tsino, nakipag-usap sa punong ministro ng Biyetnam

2023-06-27 14:51:47  CMG
Share with:

Great Hall of the People, Beijing – Nakipag-usap Lunes, Hunyo 26, 2023 si Premyer Li Qiang ng Tsina kay dumadalaw na Punong Ministro Pham Minh Chinh ng Biyetnam.

 

Saad ni Li, nakahanda ang Tsina, kasama ng Biyetnam, na gawing priyoridad ang de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road, at koordinadong pasulungin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng seguridad sa pagpapatupad ng batas, kabuhayan at kalakalan, pamumuhunan, agham, edukasyon, kultura, kalusugan at iba pa.

 

Kailangan din aniyang palawakin ang kooperasyon sa kalakalan ng produktong agrikultural, pamumuhunan, enerhiya at iba pang larangan, dagdagan ang mga direktang flight, at pahigpitin ang pagpapalitan sa kultura, turismo, edukasyon, kabataan at iba pa.

 

Umaasa aniya siyang patuloy na lilikhain ng pamahalaang Biyetnames ang magandang kapaligirang pangnegosyo para sa pamumuhunan at pagpapasimula ng negosyo ng mga kompanyang Tsino sa Biyetnam.

 

Diin ng premyer Tsino, kasama ng panig Biyetnames, nakahanda ang panig Tsino na igiit ang pangangasiwa at pagkontrol sa mga alitan sa pamamagitan ng diyalogo at negosasyon, pasulungin ang pragmatikong kooperasyon sa dagat, pabilisin ang negosasyon sa Code of Conduct in the South China Sea (COC), at iwasan ang mga aksyong humantong sa pagiging masalimuot at malala ang kalagayan.

 


Inihayag naman ni Pham Minh Chinh na itinuturing ng kanyang bansa ang relasyon sa Tsina na unang priyoridad ng patakarang diplomatiko ng bansa.

 

Aniya, buong tatag na iginigiit ng Biyetnam ang prinsipyong isang-Tsina, at aktibong sinusuportahan at sinasali ang Belt and Road Initiative at Global Development Initiative.

 

Nakahanda ang Biyetnam na palalimin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa Tsina sa mga larangang gaya ng kabuhaya’t kalakalan, pamumuhunan, imprastruktura, kalusugan, siyensiya’t teknolohiya, pagpapalitang tao-sa-tao at iba pa, palakasin ang multilateral na koordinasyon, at isakatuparan ang komong kaunlaran at kasaganaan, dagdag niya.

 

Pagkatapos ng pag-uusap, sinaksihan nila ang paglagda ng mga dokumento ng bilateral na kooperasyon.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil