Mula noong Hunyo 29 hanggang Hulyo 2, 2023, ginanap sa lunsod Changsha, lalawigang Hunan, dakong gitnang Tsina ang Ika-3 China-Africa Economic and Trade Expo.
Isandaan at dalawampung (120) proyektong nagkakahalaga ng US$10.3 bilyon ang nilagdaan ng iba’t-ibang kalahok na panig, at narating ang US$400 milyong intended deal.
Kabilang dito, 99 na proyekto ng kooperasyon ang inilabas, at ito ay nagkakahalaga ng US$8.7 bilyon.
Samantala, inilunsad ng 11 bansang Aprikano ang 74 na proyekto ng kooperasyon, at ito ay pinakamataas sa kasaysayan ng nasabing ekspo.
Isinapubliko rin ang 34 na bunga ng kooperasyon sa 8 kategorya; inilabas sa kauna-unahang pagkakataon ang indeks ng kalakalan ng Tsina at Aprika; at muling isinapubliko ang ulat sa relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng dalawang panig.
Kasali sa ekspo ang lahat ng 53 bansang Aprikano na may relasyong diplomatiko sa Tsina.
Umabot naman sa 100,000 metro kuwadrado ang kabuuang sona ng pagtatanghal, at ito ay halos 30,000 metro kuwadradong mas malaki kaysa noong nagdaang ekspo.
Samantala, halos 1,600 uri ng produkto mula sa 29 na bansang Aprikano ang itinanghal, na lumaki ng 166% kumpara sa nagdaang ekspo.
Lumampas din sa 100,000 person-time ang kabuuang bilang ng mga bisita.
Sa kauna-unahang pagkakataon, itinanghal sa China-Africa Economic and Trade Expo ang mga bunga ng de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road sa pagitan ng Tsina at Aprika, at idinispley ang halos 80 proyekto ng kapuwa panig sa mga larangang gaya ng transportasyon, agrikultura, at berdeng pag-unlad.
Salin: Vera
Pulido: Rhio