Sa sidelines ng serye ng mga pulong ng mga ministrong panlabas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na idinaraos sa Jakarta, Indonesya, nagtagpo, Hulyo 14, 2023, sina Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Komisyon ng mga Suliraning Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), at Yoshimasa Hayashi, Ministrong Panlabas ng Hapon.
Ipinahayag ni Wang ang pag-asang maibabalik ang relasyon ng dalawang bansa sa landas ng mainam at matatag na pag-unlad, at bubuuin ng Hapon ang obdiyektibo at makatuwirang pag-unawa sa Tsina.
Kasama ng Hapon, handa ang Tsinang panatilihin ang pagpapalagayan sa iba’t-ibang aspektong kinabibilangan ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at pagpapalitang tao-sa-tao, dagdag niya.
Sinabi naman ni Hayashi, na ang kooperasyon ng Hapon at Tsina ay may malaking potensyal sa maraming larangan.
Pinahahalagahan aniya ng Hapon ang pagpapasulong ng diyalogo at pakikipag-ugnayan sa Tsina.
Magsisikap ang Hapon para itayo ang konstruktibo at matatag na relasyon sa Tsina, upang malikha ang mabuting kondisyon ng pagpapalitan sa mataas na lebel, dagdag niya.
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan