Phnom Penh, Kabisera ng Kambodya – Sa kanyang pakikipagkita nitong Linggo, Agosto 13, 2023 kay Chinese Foreign Minister Wang Yi, inihayag ni Cambodian Prime Minister Samdech Techo Hun Sen na patuloy na palalakasin ng bagong Cambodian government ang estratehikong pagtitiwalaan nila ng Tsina, at palalaganapin ang tradisyonal na pagkakaibigan.
Pinasalamatan ni Hun Sen ang suporta ng Tsina sa pagpapa-unlad ng Cambodia.
Aniya, nakinabang nang marami ang kanyang bansa sa kooperasyon ng Belt and Road, at inaasahang ipapatupad, kasama ng Tsina, ang cooperation consensus ng "diamond hexagon,” at isulong ang "Industrial Development Corridor" at "Fish and Rice Corridor,” gayundin ang pabilisin ang pagpapataas ng kakayahan ng bansa sa sarilinang pag-unlad.
Binati naman ni Wang ang pagtatagumpay ng Cambodian People's Party (CPP) sa pambansang halalan.
Aniya, ang pagdalaw ng Chinese delegation ay layong magpakita ng kompiyansa ng Tsina sa kinabukasan ng Cambodia, pati na rin sa pagpapalakas pa ng relasyong Tsina at Cambodia.
Saad ni Wang, lubos na hinahangaan ng Tsina ang makasaysaysang kontribusyon na ginawa ni Hun Sen para sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng dalawang bansa, at pinahahalagahan ang malalimang pagtitiwalaan at pagkakaibigan na itinayo ng mga lider ng dalawang bansa.
Tulad ng dati, papanig aniya ang Tsina sa Cambodia, at buong tatag na susuporta sa pagtahak nito sa landas ng pag-unlad na angkop sa kalagayan ng sariling bansa, at sa mas malaki nitong papel sa international at regional arenas.
Kasama ng bagong pamahalaan ng Cambodia, nakahanda ang Tsina na buuin ang de-kalidad na komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Cambodia sa mataas na pamantayan sa makabagong panahon, at ipatupad ang mahalagang consensus ng mga lider ng dalawang bansa, dagdag ni Wang.
Nang araw ring iyon, nakipagtagpo naman kay Wang Yi si King Norodom Sihamoni ng Cambodia.
Sa kanyang pananatili sa Cambodia, kinatagpo si Wang ng ibang mga opisyal ng Cambodia na kinabibilangan ni bagong halal na Punong Ministro Hun Manet.
Salin: Vera
Pulido: Mark