DOT, suportado ang pagho-host ng FIBA World Cup na may mga Philippine Tour Package

2023-08-17 16:29:12  CMG
Share with:

Makati - Bilang suporta sa pagho-host ng bansa sa inaabangang Federation of International Basketball Association (FIBA) World Cup 2023, Hulyo 25, 2023, inilunsad ng Department of Tourism (DOT) ang Philippine tour packages para sa mga international fans at Pilipino.

 

DOT Secretary Christina Garcia Frasco

 

Ayon kay DOT Secretary Christina Garcia Frasco, ang FIBA World Cup ay isang oportunidad upang maipakilala muli ang Pilipinas sa buong mundo, ang kalakasan nito sa likas na yaman ng kultura, mga award-winning na destinasyon, umuusbong na lunsod at upang suportahan ang koponan ng Pilipinas.

 

May napakalaking epekto sa kulturang Pilipino at lahat ng mga bansang kalahok ang basketball, makikita dito ang isang pagkakataon upang ipaalala sa mundo kung gaano kalaki ang pagmamahal sa Pilipinas, at isa rin itong pagkakataon upang ipakita na handa at bukas na ang Pilipinas para sa turismo.


Iskedyul ng FIBA Basketball World Cup 2023

 

Magiging co-host ng FIBA Basketball World Cup group phase ang Pilipinas, kasama ng Hapon at Indonesia mula Agosto 25-30, 2023, na gaganapin sa Araneta Coliseum, lunsod Quezon, Mall of Asia (MOA) Arena, lunsod Pasay, at ang 50,000-capacity Philippine Arena sa lalawigang Bocaue, probinsya ng Bulacan na maglalaman ng 52 sa 92 na laro.  Lalaruin din sa MOA Arena ang huling yugto ng World Cup na nakatakda sa Setyembre 5-10.

 

Sila Nikola Jokic ng Serbia, Giannis Antetokounmpo ng Gresya, at Karl-Anthony Towns ng Dominican Republic, ay ang mga potensyal na NBA stars na maglalaro sa Maynila.

 

Ang mga nangungunang pambansang koponan tulad ng Amerika, New Zealand, Jordan, Gresya, Mexico, Montenegro, Lithuania, Ehipto, Tsina, Serbia, Puerto Rico, at Timog Sudan ay nakatakdang makipagkumpetensya sa Pilipinas, kasama ng kanilang mga libu-libong tagahanga at tagasuporta.


Mga kinatawan mula sa DOT FIBA Tour Packages tourism consortium

 

Upang ganap na madagdagan ang karanasan ng FIBA World Cup, nakipagtulungan ang DOT sa isang tourism consortium ng mga pambansang asosasyon sa turismo upang masusing gumawa ng mga tour package na magtatampok ng mga destinasyon tulad ng Metro Manila, Cavite, Batangas, Laguna, La Union at Pampanga, Cebu, Bohol, Iloilo at Bacolod, Boracay, Palawan, at Davao.

 

Ayon kay Secretary Frasco, ibinabahagi niya sa lahat ang pananabik ng FIBA Basketball World Cup, dahil makikita ito bilang isang pangunahing pagkakataon para malampasan ang itinakda ngayong taon na maghatid ng 4.8 milyong internasyonal na manlalakbay.

 

Hindi lamang ito makikinabang sa internasyonal na tourism portfolio, kundi pati na rin ang domestic tourism portfolio na ang lahat ng mga tour package na inilatag mula sa isang rehiyon ay patungo sa isa pa.

 

Kinikilala ang malaking epekto ng sports tourism sa ating ekonomiya, sa ating mga hotel, accomodation, at higit sa lahat, sa mga manggagawang nakadepende ang mga kabuhayan sa tagumpay ng industriya ng turismo, dagdag ng DOT Secretary.

 

Para sa iba pang mga detalye, mangyaring bisitahin ang website ng DOT, www.discoverphilippines.travel simula Agosto 1 hanggang Setyembre 30.

 

Ulat: Ramil Santos
Pasasalamat para sa mga kuhang larawan: Philippine Department of Tourism