Pagtatayo ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran, magkasamang pagpupunyagian ng Tsina at Cuba

2023-08-24 18:30:26  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipagtagpo, Agosto 23, 2023 (local time), sa sidelines ng Ika-15 BRICS Summit, kay Pangulong Miguel Diaz-Canel ng Cuba, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na sa dalaw pang-estado ng pangulong Cubano sa Tsina noong Nobyembre 2022, narating ang malawak na komong palagay hinggil sa pangmalayuang pagpapalalim ng relasyon ng dalawang bansa sa makabagong panahon.

 

Sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Miguel Diaz-Canel ng Cuba (photo from Xinhua)


Buong pagkakaisa aniyang sinang-ayunan ng Tsina at Cuba ang magkasamang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng dalawang bansa, at sa pamamagitan ng magkakasamang pagsisikap, kasalukuyan nang isinasakatuparan ang naturang mga komong palagay.

 

Kasama ng Cuba, nakahandang magsikap ang Tsina para walang humpay na palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal ng isa’t-isa; at pahigpitin ang estratehikong koordinasyon, tungo sa pag-unlad ng espesyal na mapagkaibigang relasyon sa pagitan ng dalawang partido at dalawang bansa.

 

Lubos na pinapupurihan ng Tsina ang Cuba sa palagian at matatag nitong pagsuporta sa Tsina sa mga isyung may kinalaman sa nukleong kapakanan, saad pa ni Xi.

 

Patuloy rin aniyang susuportahan ng Tsina ang Cuba sa pangangalaga sa soberanya at pagtutol sa pakiki-alam ng mga puwersang panlabas, at ipagkakaloob ng Tsina ang tulong sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng bansa.

 

Ani Xi, lubos na pinahahalagahan at kinakatigan ng Tsina ang Cuba sa pagtataguyod ng Summit ng "Group of 77 at Tsina."

 

Kasama ng Cuba at iba pang miyembro ng G77, nakahanda aniyang magsikap ang Tsina, para pangalagaan ang komong kapakanan at karapatan sa pag-unlad ng mga umuunlad na bansa.

 

Samantala, ipinahayag ni Diaz-Canel na sa kasalukuyan, ang relasyon ng Cuba at Tsina ay nasa pinakamataas na lebel sa kasaysayan.

 

Taos-puso aniyang nagpapasalamat ang mga Cubano sa suporta ng Tsina sa mga makatarungang usapin.

 

Matatag na susuportahan ng Cuba ang Global Development Initiative (GDI), Global Security Initiative (GSI), at Global Civilization Initiative (GCI) na inilahad ni Pangulong Xi, dagdag niya.

 

Kasama ng Tsina, nakahanda aniyang palalalimin ng Cuba ang kooperasyon sa “Belt and Road Initiative (BRI),” at itatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng Tsina at Cuba.

 

Mahigpit din aniyang makikipagkooperasyon ang Cuba sa Tsina para pasulungin ang matagumpay na pagdaraos ng Summit ng “Group of 77 at Tsina.”

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio