Magkasamang pinanguluhan nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Cyril Ramaphosa ng Timog Aprika ang Diyalogo ng mga Lider ng Tsina at Aprika na idinaos kagabi, Agosto 24, 2023, local time, sa Johannesburg, Timog Aprika.
Dumalo rin sa diyalogo ang mga lider ng mga bansa at organisasyong panrehiyon ng Aprika.
Sa kanyang talumpati sa diyalogo, sinabi ni Xi, na pagkaraang manungkulan siya bilang pangulo ng Tsina noong 2013, inilabas niya ang prinsipyo ng katapatan, aktuwal na pakinabang, pagkakaibigan, at mabuting hangarin para sa polisya ng Tsina tungo sa Aprika, at nitong sampung taong nakalipas, iginigiit ng Tsina ang prinsipyong ito, para mapasulong ang pagkakaisa at pagtutulungan ng dalawang panig, at maitatag ang komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Aprika.
Binigyang-diin ni Xi, na bilang sariling pagpili, itinuturing ng mga bansa at mamamayan ng Aprika ang rehiyonal na integrasyon bilang landas tungo sa modernisasyon. Lagi ito aniyang sinusuportahan ng Tsina. Nagbigay na ng ambag at patuloy na magbibigay ng ambag para rito ang Tsina, dagdag niya.
Nanawagan din siya sa Aprika, kasama ng Tsina, na pasulungin ang makatarungan at makatwirang kaayusang pandaigdig, pangalagaan ang mapayapa at matiwasay na kapaligirang pandaigdig, at buuin ang bukas at inklusibong kabuhayang pandaigdig.
Para mapalakas ang kooperasyong Sino-Aprikano, at mabigyang-tulong ang integrasyon ng Aprika, iniharap ni Xi ang tatlong hakbangin na gaya ng pagsuporta sa industriyalisasyon ng Aprika, pagbibigay-tulong sa modernisasyong agrikultural ng Aprika, at paghubog ng mga talento para sa Aprika.
Ipinatalastas din niya ang pagtataguyod ng Tsina ng bagong pulong ng Porum sa Kooperasyong Sino-Aprikano sa susunod na taon, para magkakasamang talakayin ang plano ng pag-unlad sa hinaharap.
Ipinahayag naman ng mga lider na Aprikano ang pasasalamat sa Tsina para sa pagsuporta at pagbibigay-tulong nito sa iba’t ibang usapin ng Aprika.
Nakahanda rin anila ang panig Aprikano na suportahan ang Belt and Road Initiative, Global Development Initiative, Global Security Initiative, at Global Civilization Initiative na iniharap ng Tsina, at patuloy na palakasin, kasama ng Tsina, ang mekanismo ng Porum sa Kooperasyong Sino-Aprikano.
Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos