Ayon sa Ministri ng Kultura at Turismo ng Tsina Martes, Agosto 29, 2023, sinang-ayunan ng Tsina at Amerika na idaos sa Tsina sa unang hati ng 2024 ang Ika-14 na China-U.S. Tourism Leadership Summit, para ibayo pang mapanumbalik ang kooperasyong panturista ng dalawang bansa.
Sa kanyang pakikipagtagpo kay Gina Raimondo, dumadalaw na Kalihim ng Komersyo ng Amerika nang araw ring iyon, inihayag ni Hu Heping, Ministro ng Kultura at Turismo ng Tsina, ang kahandaan ng kanyang ministri na ipatupad, kasama ng Kagawaran ng Komersyo ng Amerika, ang mahalagang komong palagay na narating nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joe Biden ng Amerika sa Bali Island, palakasin ang pagpapalitang tao-sa-tao, at palawakin ang pagpapalitan ng mga tauhan.
Umaasa aniya siyang higit pang dagdagan ang mga direktang flight sa pagitan ng dalawang bansa, isaayos sa lalong madaling panahon ang paalaala sa paglalakbay sa Tsina, bibigyang-ginhawa ang pag-aaplay ng mga mamamayang Tsino ng visa sa Amerika, ihihinto ang walang katuwirang pag-iimbestiga at pagligalig sa mga mamamayan at grupong Tsino sa Amerika, at lilikhain ang mas magandang kondisyon para sa pagdalaw ng mga turista ng dalawang bansa.
Salin: Vera
Pulido: Ramil