Naglakbay-suri kamakailan si Nguyen Phu Trong, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam, sa Friendship Pass sa lalawigang Lang Son ng Biyetnam.
Dahil nasa purok-hanggahan ng Tsina at Biyetnam ang Friendship Pass, inanyayahang sumama sa kanya si Xiong Bo, Embahador ng Tsina sa Biyetnam.
Sa kanyang paglalakbay-suri Agosto 25, sinabi ni Nguyen na sa mula’t mula pa’y lubos na pinahahalagahan at ginagawang unang priyoridad ng Biyetnam ang pagpapaunlad ng relasyon sa partido, pamahalaan at mga mamamayan ng Tsina.
Aniya, sa kanyang pagdalaw sa Tsina noong nagdaang taon, mainit at mapagkaibigang tinanggap siya ng partido at mga mamamayan ng Tsina, at buong pananabik niyang inaasahan ang muling pagbisita sa Biyetnam ni Pangkalahatang Kalihim Xi Jinping ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina.
Makaraang pakinggan ang work report ng Friendship Pass, tinukoy ni Nguyen na dapat patuloy at mahigpit na makipagkoordina sa panig Tsino ang komite ng partido, pamahalaan, at mga departamento ng puwerto ng lalawigang Lang Son, upang magkasamang itatag ang mapayapa, mapagkaibigan, matatag, kooperatibo, at maunlad na purok-hanggahan.
Inihayag naman ni Xiong Bo na sa ilalim ng patnubay ng mga lider ng dalawang partido, may kompiyansa ang kapuwa bansa na pasulungin ang relasyong Sino-Biyetnames sa mas mataas na antas, at gawin ang mas malaking ambag sa kapayapaan at progreso ng sangkatauhan.
Salin: Vera
Pulido: Ramil