Sa pamamagitan ng video link, bumigkas ng talumpati si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Global Trade in Services Summit, na idinaos ngayong araw, Setyembre 2, 2023, sa Beijing, sa sidelines ng 2023 China International Fair for Trade in Services (CIFTIS).
Binigyang-diin ni Xi ang mahalagang papel ng kalakalang panserbisyo at kooperasyon sa sektor ng serbisyo para pasulungin ang globalisasyong pangkabuhayan, panumbalikin ang kasiglahan ng kabuhayan, at palakasin ang pagbangon ng pandaigdigang kabuhayan.
Tinukoy ni Xi, na habang pinasusulong ng Tsina ang pagbubukas sa labas, nakahanda ito, kasama ng iba’t ibang bansa at panig, na palakasin ang pagbubukas, pagtutulungan, at inobasyon sa sektor ng serbisyo.
Ayon sa kanya, aktibong isasagawa ng Tsina ang talastasan tungkol sa negatibong listahan ng kalakalan at pamumuhunan sa sektor ng serbisyo, palalawakin ang pagbubukas sa labas sa mga aspekto ng serbisyo, paluluwagin ang limitasyon sa pagpasok ng mga kompanyang dayuhan sa pamilihan ng serbisyo ng Tsina, palalalimin ang kalakalang panserbisyo sa mga bansa lalung lalo na sa mga kasapi ng Belt and Road Initiative, pabibilisin ang digitalisasyon sa kalakalang panserbisyo, palalakasin ang papel ng sektor ng serbisyo sa berdeng pag-unlad, at pasusulungin ang sama-samang pag-unlad ng kalakalang panserbisyo, modernisadong sektor ng serbisyo, sulong na manupaktura, at modernisadong agrikultura.
Daragdagan ng Tsina ang pag-aangkat ng mga dekalidad na serbisyo, samantala ipagkakaloob din ang mas marami at mas mabuting serbisyong Tsino sa mga mamamayan ng daigdig, dagdag niya.
Bilang panapos, ipinahayag ni Xi ang pag-asang pahahalagahan ng buong daigdig ang sistema ng malaya at multilateral na kalakalan, at ibahagi ang mga pagkakataong dulot ng pag-unlad ng pandaigdigang kalakalang panserbisyo, para magkakasamang lumikha ng mas maganda at mas masaganang mundo.
Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos