Isang liham na pambati ang ipinadala Lunes, Setyembre 4, 2023 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Smart China Expo 2023.
Tinukoy ni Xi na sa kasalukuyan, malalimang pagbabago ang nagaganap sa mga bagong teknolohiya na gaya ng internet, big data, cloud computing, artificial intelligence at block chain, walang tigil na bumibilis ang didyitalisado, matalino at berdeng transpormasyon ng mga industriya, at masiglang umuunlad ang matalinong industriya at kabuhayang didyital.
Ang mga ito ay napakalaking pagbabago sa pandaigdigang alokasyon ng mga sangkap at yaman, modelo ng kaunlarang industriyal, at paraan ng pamumuhay ng mga mamamayan, dagdag niya.
Saad ni Xi, lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang pag-unlad ng kabuhayang didyital, tuluy-tuloy na pinapasulong ang malalimang integrasyon ng teknolohiyang didyital at real economy, koordinadong pinapaunlad ang kapuwa industriyang didyital at transpormasyong didyital ng mga tradisyonal na industriya, at pinapabilis ang pagtatatag ng puwersa ng cyberspace ng bansa at didyital na Tsina.
Kasama ng iba’t ibang bansa sa daigdig, nakahanda aniya ang Tsina na samantalahin ang bagong tunguhin ng digital era, palalimin ang pandaigdigang pagpapalitan at pagtutulungan sa larangang didyital, pasulungin ang may inobasyong pag-unlad ng matalinong industriya, pabilisin ang pagbuo ng komunidad ng cyber na may pinagbabahaginang kinabukasan, at magkapit-bisig na likhain ang mas maligaya’t magandang kinabukasan.
Sa ilalim ng temang "Pooling Together Wisdom and Strength," binuksan nang araw ring iyon sa munisipalidad ng Chongqing ang nasabing ekspo, at nakatakdang tumagal hanggang Miyerkules.
Salin: Vera
Pulido: Ramil