Beijing – Sa ilalim ng temang "Ang Pagbubukas ay Nagdadala ng Kaunlaran, ang Kooperasyon ay Naghahatid ng Kinabukasan," magkasabay na binuksan kamakailan sa China National Convention Center at Shougang Industrial Park ang 2023 China International Fair for Trade in Services (CIFTIS).
Shougang Industrial Park – dating pagawaan ng bakal sa Tsina at pinagdausan ng 2022 Beijing Winter Olympics
Bilang isa sa pinakamalaki at komprehensibong perya ng kalakalang panserbisyo sa buong mundo, ang CIFTIS ay oportunidad sa maraming internasyonal na kompanya para maipakilala ang kanilang mga serbisyo’t produkto sa merkadong Tsino.
Sa katulad na paraan, ito rin ay akses ng mga kompanyang Tsino sa merkadong pandaigdig.
Kaugnay nito, nakahayag sa Hall 2 ng Shougang Park, ang mga serbisyo’t produktong alok ng 33 bansang kasali sa Belt and Road Initiative (BRI) gaya ng Pakistan, Iran, Mongolia, Ghana, Moldova, Georgia, Fiji, Cote d'Ivoire, Indonesya, Thailand, Biyetnam, at marami pang iba.
Hall 2 ng Shougang Industrial Park
Kasabay ng ika-10 anibersaryo ngayong taon ng paglulunsad ng BRI, ang temang "Colorful World" ang napili ng nasabing mga bansa sa kanilang bulwagan.
Tampok dito ang mga natural at humanistikong lugar panturismo, espesyal na aktibidad, kagamitan at produkto, musika at marami pang iba.
Mga bisita sa Hall 2
Ilan sa mga booth ng mga kasaling bansa
Mga produkto, eksibitor at mamimili
Ayon sa eksibitor mula sa Pakistan, labis niyang ikinatutuwa ang pagdating sa CIFTIS.
Ito ang unang beses niyang pagdalaw sa Beijing at pagsali sa CIFTIS, at lahat ng dumadalo ay nahihilig aniya sa kanilang mga produkto.
“Sa loob lamang ng ilang oras na pakikipag-usap sa mga bisita, natutunan ko ang ilang simpleng salitang Tsino, kaya nagpapasalamat ako sa CIFTIS,” kuwento niya.
Eksibitor mula sa Pakistan
Samantala, mga produktong mula sa tupa at baka ang makikita sa booth ng Mongolia, na sumisimbolo sa kanilang tradisyonal na kostumbre at uri ng pamumuhay.
Ipino-promote rin nila ang mga lugar panturismo ng bansa.
Bilang isa sa mahahalagang prodyuser ng kakaw, ipinagmamalaki naman ng Cote d'Ivoire ang mga tsokolate.
Sa pamamagitan nito, nais ng Cote d'Ivoire na palawakin ang kaalaman ng mas maraming tao tungkol sa bansa.
Booth ng Côte d'Ivoire
Samantala, sa saliw ng nakaka-indayog na musika, maraming tao ang dumarayo sa palabas ng pagtatambol sa booth ng Fiji.
Ilan sa mga bisita ang napapa-indak sa makulay na tunog na hatid ng mga tambol, samantalang ang iba naman ay kumukuha ng video at larawan.
Ang ganitong estilo ng musika ay simbolo ng masaya at buhay na kultura ng mga mamamayan ng Fiji.
Pagtatanghal ng tambol
Sa di-kalayuan ay matatagpuan ang booth ng Iran, at dito nakadispley ang magagandang uri ng tela, saffron at marami pang iba.
Dahil sa kalidad, disenyo, at hitsura ng mga ito, napakaraming Tsino ang interesadong bumili.
Sa kabilang dako, kape, magagandang lugar panturismo, at iba’t-ibang tradisyunal na kasuotan ang mahahagilap sa mga booth ng Thailand, Indonesya at Biyetnam, samantalang sariling-gawang alak na gawa sa ubas naman ang ipinatitikim sa booth ng Moldova at Georgia.
Maliban sa mga iyan, isa pang interesante at nakaka-engganyong alok ang hain sa Hall 2 ng Shougang Park, at ito ay ang “Pasaporte ng Colorful World.”
Bagamat isang laruan lamang, tinatatakan ng bawat booth ang nasabing pasaporte kapag ang may-ari nito ay dumalaw sa kanila – para na ring isang turistang dumalaw sa isang bansa.
Sa pamamagitan nito, marami ang bumibisita sa booth ng mga bansang BRI, at partikular na patok ito sa mga bata.
Tatak sa Pasaporte ng Colorful World
Binuksan, Setyembre 2 at tatagal hanggang Setyembre 6, 2023, kalahok sa 2023 CIFTIS ang mahigit 2,200 kompanyang mula sa 75 bansa at pandaigdigang organisasyon.
Ito ay mahalagang suporta sa dekalidad na pag-unlad ng ekonomiya ng daigdig, nagkakaloob ng bagong espasyo para sa ekonomikong kooperasyon, at nagpapakita sa mahalagang papel na ginagampanan ng merkadong Tsino sa pagpapasulong ng muling pag-angat ng pandaigdigang kabuhayan.
Artikulo: Rhio Zablan
Litrato: Ramil Santos
Patnugot sa teksto: Jade/Rhio
Patnugot sa website: Lito