Bagong batas sa pagpapabuti ng sistema ng foreign state immunity, pinagtibay ng Tsina

2023-09-05 17:17:28  CMG
Share with:

Sinuri at pinagtibay kamakailan ng pulong ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina ang Batas sa Foreign State Immunity.

 

Isinaayos ng nasabing batas ang dating paninindigan ng Tsina sa absolute state immunity, at inawtorisahan ang paglilitis ng mga hukumang Tsino sa akusado ng banyagang bansa.

 

Kaugnay nito, inihayag ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang pagtatakda ng naturang batas ay normal na lehislatibong aktibidad ng NPC, at layon nitong kumpletuhin ang sistema ng foreign state immunity ng Tsina, ipagkaloob ang batayang pambatas para sa paglilitis ng mga hukumang Tsino ng mga kasong sibil na may kinalaman sa mga banyagang bansa at ari-arian nila, igarantiya ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga naghahabla, ipagtanggol ang pagkakapantay-pantay ng soberanya ng mga bansa, pasulungin ang mapagkaibiang pagpapalitang panlabas, at bigyang-tulong ang pagbubukas sa labas ng Tsina sa mas mataas na lebel.

 

Kinumpirma ng nasabing batas ang pundamental na prinsipyong ang isang banyagang bansa at ari-arian nito ay nagtatamasa ng imunidad sa Tsina, samantalang itinakda ang mga eksepsyong may kinalaman sa non-sovereign acts ng isang banyagang bansa, kung saan maaaring isagawa ng mga hukumang Tsino ang hurisdisyon sa mga kasong may kinalaman sa mga alitang dulot ng isang aktibidad na komersyal, kaukulang personal injury at kapinsalaan sa ari-arian, anang tagapagsalita.

 

Saad niya, sa ilalim ng mahigpit na limitadong kondisyon, maaaring isagawa ng mga hukumang Tsino ang sapilitang hakbanging hudisyal laban sa ari-ariang komersyal ng isang banyagang bansa, at ito ay umaangkop sa pandaigdigang batas at pangkalahatang praktika ng iba’t ibang bansa.

 

Bilang responsableng bansa, buong tatag na pangangalagaan ng Tsina ang simulain ng pagkakapantay-pantay ng soberanya ng mga bansa, igagarantiya ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga mamamayan at legal person ng Tsina alinsunod sa batas, at igagalang ang pagtatamasa ng mga banyagang bansa ng kinakailangang imunidad batay sa pandaigdigang batas, dagdag ng tagapagsalitang Tsino.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil