Pagpapalakas ng kooperasyon sa inobasyon sa Timogsilangang Asya, ipinanawagan ng premyer Tsino

2023-09-07 11:11:59  CMG
Share with:

Sa kanyang pagdalo sa Ika-26 na ASEAN Plus Three (APT) Summit sa Jakarta, Indonesya, Miyerkules, Setyembre 6, 2023, sinabi ni Premyer Li Qiang ng Tsina, na subok nang matatag ang mekanismo ng APT, at mahalagang papel ang ginagampanan nito sa pagpapasulong ng kaunlaran at kasaganaan sa Timogsilangang Asya.

 

Kaugnay nito, dapat aniyang tuluy-tuloy na pabutihin ang integrasyon ng kabuhayang panrehiyon, pasiglahin ang dibidendong dulot ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), ibayong pasulungin ang malayang paggalaw ng mga sangkap ng produksyon, at ipanibago’t palawakin ang kalakalan at pamumuhunan.

 

Dagdag ni Li, kailangan ding tuluy-tuloy na pag-igihin ang regional industrial division at koordinasyon, at isulong ang pagpapabuti at pag-a-upgrade ng regional industry chain at supply chain sa matatag na paraan.

 

Para rito, sinabi niyang nararapat palakasin ang importanteng papel na ginagampanan ng inobasyon sa siyensiya at teknolohiya.

 


Kasama ng iba’t ibang panig, nakahandang palalimin ng Tsina ang inobatibong kooperasyon sa mga larangang gaya ng didyital na kabuhayan, malinis na enerhiya, sasakyang de-motor na gumagamit ng bagong enerhiya, at magkasamang pagpaparami sa bagong punto ng paglago ng kabuhayan, saad niya.

 

Kaugnay ng isyu ng pagtatapon ng Hapon ng nuklear na kontaminadong tubig sa dagat, inihayag ni Li na ang paghawak sa nuklear na kontaminadong tubig ay may kinalaman sa kapaligirang ekolohikal ng dagat sa buong mundo at kalusugan ng mga mamamayan.

 

Dapat isabalikat ng panig Hapones ang sariling obligasyong pandaigdig, lubos na makipagsanggunian sa mga may-kinalamang panig na gaya ng mga kapitbansa, at pangasiwaan ang pagtatapon ng nuklear na kontaminadong tubig sa responsableng paraan, diin niya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio