Tsina, tumututol at hindi tinanggap ang talumpati ng kinatawang Amerikano sa East Asia Summit

2023-09-08 17:53:29  CMG
Share with:

Ipinahayag ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pagtutol at di-pagtanggap sa talumpating binigkas kahapon, Setyembre 7, 2023, ng kinatawang Amerikano sa East Asia Summit, na walang batayang bumatikos sa Tsina sa mga isyu ng Taiwan at South China Sea.

 

Ayon sa pahayag sa website ng ministry, sa isyu ng Taiwan, ang mga separatistang aksyon ng puwersang “pagsasarili ng Taiwan” at pakikipagsabwatan ng mga dayuhang panig sa puwersang ito ay pinakamalaking banta sa kapayapaan sa Taiwan Straits. Para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa Taiwan Straits, dapat tutulan ang “pagsasarili ng Taiwan.”

 

Hinihimok ng Tsina ang panig Amerikano, na sundin ang prinsipyong isang Tsina at tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika, itigil ang pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina sa pamamagitan ng isyu ng Taiwan, at isagawa ang mga aktuwal na aksyon ng pangangalaga sa kapayapaan at katatagan sa Taiwan Straits.

 

Ayon naman sa pahayag, aktibong isinasagawa ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang talastasan sa Code of Conduct in the South China Sea, at dapat igalang ng mga bansa sa labas ng rehiyong ito ang pagsisikap ng mga bansa sa loob ng rehiyon para sa naturang talastasan at pangangalaga sa kapayapaan at katatagan sa South China Sea.

 

Dagdag ng pahayag, ang talumpati ng kinatawang Amerikano ay hindi angkop sa tema ng East Asia Summit, at salungat sa hangarin ng mga tao sa rehiyong ito para sa pagpapalakas ng kooperasyon. Ipinakikita lamang nito ang tunay na layunin ng Amerika na guluhin at sirain ang kooperasyon ng Silangang Asya at katatagan sa rehiyon. Samantala, walang sinuman sa summit ang umalingawngaw sa mga balighong argumento ng Amerika.


Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos