Mainitang tinatalakay sa Ika-78 Sesyon ng Pangkalahatang Asambleya ng United Nations (UN) na ginaganap sa New York, ang mga pagkabahala ng mga bansa ng Global South na gaya ng pangingilak ng pondong pangkaunlaran, pagbabago ng klima, di-balanseng kita at iba pa.
Upang ipahayag ang kahilingan at paninindigan ng mga likas na miyembro ng Global South, at bilang pinakamalaking umuunlad na bansa sa daigdig, dadalo ang panig Tsino sa maraming pulong.
Ang Global South ay tumutukoy sa komunidad ng mga bagong-sibol na merkado at umuunlad na bansa.
Sa kabila nito, ginagawang kasanggapan ng Amerika at iba pang bansang kanluranin ang ideya ng Global South, at tinatangka nilang isa-isang-tabi ang Tsina sa ideyang ito, ipagkait sa Tsina ang katayuan bilang umuunlad na bansa, at pagwatak-watakin ang kampo ng mga umuunlad na bansa, upang pangalagaan ang kapakanan at hegemonya ng mga maunlad na bansa.
Sa Deklarasyon ng Havana na pinagtibay sa kapipinid na Summit ng Group of 77 (G77) at Tsina, inilakip dito ang maraming ideya at paninindigan ng Tsina.
Tinukoy rito na dapat magpunyagi ang mga kaukulang panig para sa pagsasakatuparan ng kaunlaran at win-win na kooperasyon ng mundo, at pagpapasulong sa pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Ito ay deklarasyon ng Global South hinggil sa pagkakaisa at pagpapalakas ng sarili, at patunay na ang Tsina ay likas na miyembro nito.
Magkapareho ang karanasang historikal at proseso ng pagpupunyagi ng Tsina at ibang umuunlad na bansa.
Kinakaharap ng dalawang panig ang komong problema’t tungkuling pangkaunlaran, kaya naman magkahawig din ang kuru-kuro at kahilingan sa kasalukuyang kaayusang pandaigdig at pangangasiwang pandaigdig.
Bilang kasamahan sa landas ng pag-unlad, at sa abot ng makakaya, dapat ipagkaloob ang suporta at tulong sa mga bansa ng Global South.
Sa kasalukuyan, ipinagkaloob na ng Tsina ang tulong-pangkaunlaran sa mahigit 160 bansa, isinagawa ang kooperasyon ng Belt and Road sa mahigit 150 bansa, at kasama ng mahigit 100 bansa at organisasyong pandaigdig, pinasulong ang kooperasyon ng Global Development Initiative (GDI).
Bukod dito, itinayo ng Tsina ang pondo sa kaunlarang pandaigdig at South-South Cooperation, at ilulunsad ang espesyal na pondo sa pagpapatupad ng GDI.
Ayon sa mga tagapag-analisa, ipinakikita ng mga ito ang katapatan at pananagutan ng Tsina sa pagbibigay-tulong sa komong kaunlaran ng mga umuunlad na bansa.
Noon pa man, ang Tsina ay likas na miyembro ng Global South, at isa ring kapamilya ng mga umuunlad na bansa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio