Dala ang 90 toneladang pangkagipitang makataong tulong para sa mga binahang lugar ng Libya, dumating, Setyembre 24, 2023 sa lunsod Benghazi, gawing hilaga ng bansa ang isang pangkargamentong eroplano ng Tsina.
Sa kanyang pagsaksi sa paglilipat ng tulong sa panig Libyan, inihayag ni Liu Jian, Charge d'Affaires ng Tsina sa naturang bansa, na tutulungan ng Tsina ang Libya upang panaigan ang epekto ng kalamidad, at panumbalikin sa normal ang pamumuhay ng mga tao sa apektadong lugar.
Nakahandang makipagkoordina ang Tsina sa mga awtoridad ng Libya, upang ipagkaloob ang mas maraming suporta sa operasyon ng pagliligtas, pagbibigay-tulong at rekonstruksyon, dagdag niya.
Sinabi naman ni Khaled Al-Sayah, Charge d'Affaires ng Libya sa Tsina, na ipinakikita ng napapanahong suporta mula sa Tsina ang malalim na pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Nauna rito, ipinadala ng Red Cross Society ng Tsina ang US$200,000 dolyar sa Libyan Red Crescent, bilang pangkagipitang makataong saklolo sa paghulagpos ng bansa kontra baha.
Matatandaang noong Setyembre 10, naranasan ng Libya ang pinakamalubhang baha nitong nagdaang ilang dekada dahil sa bagyong Dainel.
Ilang libo katao ang nasawi, at malawakang nasira ang mga imprastruktura, partikular ang mga gusali para sa pagsuplay ng tubig at pangangasiwa sa dumi.
Salin: Vera
Pulido: Rhio