Hangzhou, lalawigang Zhejiang sa silangang Tsina - Sa kanyang pakikipagtagpo Linggo, Oktubre 8, 2023 kay Punong Ministro Abdulla Aripov ng Uzbekistan, inihayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina ang kahandaan ng bansa na magsikap, kasama ng Uzbekistan, upang idaan sa aktuwal na aksyon at konkretong bunga ang mahahalagang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, at pasaganain ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa sa makabagong panahon.
Tinukoy niyang, tulad ng dati, matatag na susuportahan ng Tsina ang pagtatanggol ng Uzbekistan sa soberanya, pagsasarili at kabuuan ng teritoryo ng bansa, at pagtahak sa landas ng pag-unlad na angkop sa sariling kalagayan.
Kasama ng Uzbekistan, nakahanda ang Tsina na gawing pangunahing linya ng kooperasyon ang Belt and Road Initiative (BRI), pasulungin ang sinerhiya ng mga estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang panig, palawakin ang kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan, i-optimisa ang konektibidad, palakasin ang kooperasyon sa enerhiya, at palalimin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan, dagdag ng premyer Tsino.
Bumati naman si Aripov sa tagumpay ng Tsina sa Hangzhou Asian Games.
Aniya, lubos na pinahahalagahan ng Uzbekistan ang komprehensibo’t estratehikong partnership sa Tsina.
Nakahanda ang panig Uzbek na hiramin ang karanasan ng Tsina sa pagpapalalim ng reporma, pagpapalawak ng pagbubukas, at komprehensibong pagpapasulong sa modernisasyong Tsino, at palalimin ang kooperasyon sa Tsina sa iba’t-ibang larangan, batay sa pagkakapantay, pagkakaibigan, mutuwal na kapakinabangan at win-win na resulta, dagdag niya.
Salin: Vera
Pulido: Rhio