Krisis sa Gaza Strip, tinalakay ng mga ministrong panlabas ng Tsina at Iran

2023-10-16 16:56:06  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono, Linggo, Oktubre 15, 2023 kay Ministrong Panlabas Hossein Amir-Abdollahian ng Iran kaugnay ng kasalukuyang bakbakan ng Palestina at Israel, ipinagdiinan ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na ang pinakamahalagang hakbang sa ngayon ay pagpapahupa ng tensyon.

 

Dagdag diyan, sinabi rin niyang sinusuportahan ng panig Tsino ang pagpapalakas ng pagkakaisa ng mga bansang Islamiko, pagkokoordina sa isyu ng Palestina, at pagpapadala ng nagkakaisang tinig.

 

Dapat umaksyon ang komunidad ng daigdig, upang tutulan ang aksyon ng anumang panig na nakakasakit sa mga sibilyan, dagdag niya.

 

Ipinagdiinan ni Wang na ang saligang sanhi ng tensyon sa pagitan ng Palestina at Israel ay pagbubulag-bulagan sa karapatan sa pagtatatag ng estado, pagsasanggalang sa buhay, at pagbalik ng mga Palestino sa sariling lupa nitong nakalipas na mahabang panahon.

 

Ang Tsina ay patuloy na papanig sa kapayapaan at katarungan, at kakatig sa karapatan ng mga Palestino sa pagtatayo ng sariling bansa, ani Wang.


Nanawagan naman si Hossein Amir-Abdollahian na agarang isagawa ang aksyon, upang mapigilan ang pang-atake sa mga sibilyan sa Gaza Strip, at pahupain ang makataong kalagayan sa lugar.

 

Umaasa aniya ang panig Iranyo na mareresolba ang mga problema sa pamamagitan ng paraang pulitikal.

 

Nakahandang palakasin ng Iran ang pakikipag-ugnayan sa panig Tsino tungkol dito, aniya pa.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio