PM ng Tsina at Hungary, nag-usap: kooperasyon ng Belt and Road, pag-iibayuhin

2023-10-17 16:23:43  CMG
Share with:

Beijing, Tsina – Sa kanyang pakikipagtagpo Lunes, Oktubre 16, 2023 kay Punong Ministro Viktor Orban ng Hungary, inihayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina ang kahandaan ng bansa na pasulungin ang mas matatag na sinerhiya ng Belt and Road Initiative (BRI) at polisyang "Opening to the East" ng Hungary.

 

Ani Li, kasama ng Hungary, buong sikap na pag-iibayuhin ng Tsina ang pragmatikong kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, pinansya at iba pa.

 

Kailangan din aniyang palalimin ng kapuwa panig ang pagpapalitang tao-sa-tao sa edukasyon, turismo, palakasan at iba pang aspekto, at patibayin ang mithiin ng mga mamamayan sa pagpapaunlad ng bilateral na relasyon.

 

Umaasa siyang patuloy na gagampanan ng panig Hungarian ang positibong papel sa pagpapalakas ng kooperasyon ng Tsina at mga bansa ng Gitna at Silangang Europa, at pagpapasulong sa relasyong Sino-Europeo.

 


Saad naman ni Orban, palagiang sinusundin ng Hungary ang simulaing isang-Tsina.

 

Patuloy rin aniyang na igigiit ng kanyang bansa ang mapagkaibigang patakaran sa Tsina, aktibong sasali sa kooperasyon ng BRI, susuportahan ang konektibidad, pagbubukas at pagtutulungan, at tututulan ang decoupling at pagsarado.

 

Kasama ng panig Tsino, nakahanda ang Hungary na pag-ibayuhin ang bilateral na relasyon at kooperasyon sa pagitan ng Tsina at mga bansa ng Gitna at Silangang Europa at Unyong Europeo (EU), dagdag ni Orban.

 

Samantala, magkasamang sinaksihan ng dalawang lider ang paglagda sa mga dokumento ng bilateral na kooperasyon sa mga aspektong gaya ng kooperasyon ng BRI, industriya at pamumuhunan, pagsasaimpormasyon, edukasyon, adwana, supply chain, polisyang pangkaunlaran, kabuhayang didyital, berdeng pag-unlad, at iba pa.

 

Si Orban ay lalahok sa Ika-3 Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF), at magsasagawa ng opisyal na pagdalaw sa Tsina.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio