Great Hall of the People, Beijing – Sa kanyang pakikipagtagpo Biyernes, Oktubre 20, 2023 kay Thongloun Sisoulith, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Lao People's Revolutionary Party (LPRP) at Pangulo ng Laos, tinukoy ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulo ng bansa, na nitong nagdaang dekada, walang humpay na natamo ng konstruksyon ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Laos ang mahahalagang progreso.
Dapat aniyang gawing pagkakataon ang paglagda ng bagong panlimahang taong plano ng aksyon sa pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Laos, pasaganain ang bagong nilalaman ng relasyon ng CPC at LPRP at dalawang bansa, at patingkarin ang bagong lakas-panulak para sa kapayapaan, katatagan, kaunlaran, at kasaganaan ng rehiyon, maging ng buong daigdig.
Diin ni Xi, sa susunod na taon, manunungkulan ang Laos bilang tagapangulong bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at nakahanda ang Tsina na suportahan ang pagpapatingkad ng Laos ng mas malaking papel sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Inihayag naman ni Thongloun na ang 8 konkretong hakbang sa kooperasyon ng Belt and Road na iniharap ni Pangulong Xi ay nakapagpasigla ng bagong lakas-panulak sa de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road.
Aniya, sa kasalukuyan, maalwang sumusulong ang kooperasyon ng Tsina at Laos sa iba’t ibang larangan, at ang pagtatatag at maalwang pagsasaoperasyon ng China-Laos Railway ay malaking nakapagpasulong sa pag-unlad ng kabuhayang Lao, at nakapaghatid ng positibong pagbabago sa pamumuhay ng mga mamamayang Lao.
Kasama ng panig Tsino, nakahanda aniya ang Laos na palakasin ang pagpapalitan sa mataas na antas, palalimin ang pagpapalitan sa karanasan sa pangangasiwa sa bansa, pasulungin ang mga pragmatikong kooperasyong gaya ng Laos-China Economic Corridor, at pasulungin ang bagong pag-unlad ng bilateral na relasyon.
Magkasamang nilagdaan ng dalawang lider ang naturang bagong panlimahang taong plano mula 2024 hanggang 2028.
Salin: Vera
Pulido: Ramil