Mga FM ng Tsina at Malaysia, nag-usap tungkol sa bilateral na relasyon at sagupaan ng Palestina at Israel

2023-10-21 17:35:50  CMG
Share with:

Nag-usap sa telepono, kahapon, Oktubre 20, 2023, sina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina at kanyang counterpart na Malay na si Zambry Abdul Kadir, tungkol sa relasyon ng dalawang bansa at sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel.

 

Iniabot ni Zambry ang pagbati sa pagdaraos ng Tsina ng Ika-3 Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF). Makakatulong ang Belt and Road Initiative (BRI) para sa pagpapalakas ng rehiyonal na interkoneksyon, pagpapasulong ng pandaigdigang kalakalan, at pagbibigay ng mas maraming pagkakataon sa rehiyonal at pandaigdigang pag-unlad, dagdag niya.

 

Aniya, nakahanda rin ang Malaysia, kasama ng Tsina, na samantalahin ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa sa susunod na taon, para ibayo pang pasulungin ang relasyong Malay-Sino.

 

Sinabi naman ni Wang, na palalakasin ng Tsina, kasama ng Malaysia ang de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road, at pasusulungin ang pagtatatag ng komunidad ng may pinagbabahaginang kinabukasan ng dalawang bansa.

 

Pagdating sa sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel, ipinahayag ni Wang ang pagtutol ng Tsina sa lahat ng mga aksyong umatake sa mga inosenteng sibilyan at lumabag sa pandaigdigang batas.

 

Aniya, ang saligang solusyon sa isyu ng Palestina at Israel ay pagpapatupad ng "two-state solution" at pagsasakatuparan ng mapayapang pakikipamuhayan ng Palestina at Israel.

 

Nakahanda ang Tsina na makipag-ugnayan sa lahat ng mga bansang nagmamahal sa kapayapaan na kinabibilangan ng Malaysia, upang patuloy na gumawa ng pagsisikap para sa kapayapaan sa Gitnang Silangan, dagdag ni Wang.


Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos