Magkasamang pinanguluhan sa Beijing Oktubre 30, 2023, nina Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Sentral na Komisyon sa mga Suliraning Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), at Emmanuel Bonne, Diplomatikong Tagapayo ng Pangulo ng Pransya ang Ika-24 na Estratehikong Diyalogo ng Tsina at Pransya.
Anila, mahalagang papel ang ginagampanan ng nasabing estratehikong diyalogo para pasulungin ang mataas na antas na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa at magkasamang pagharap sa mga hamong pandaigdig.
Sinabi ni Wang, na kasama ng Pransya, nakahandang magsikap ang Tsina, para isakatuparan ang mahahalagang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, patibayin ang suporta ng publiko, ilabas ang potensyal ng kooperasyon sa “post-pandemic era,” at palakasin ang pagtitiwalaang pulitikal, tungo sa bagong pag-unlad ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Malugod na tatanggapin ng Tsina ang mas maraming kompanyang Pranses, at bilang resiprokal na aksyon, umaasa rin ang Tsina na ipagkakaloob ng Pransya ang mas pantay na kapaligiran ng negosyo sa mga kompanyang Tsino, saad ni Wang.
Ipinahayag naman ni Bonne ang lubos na pagpapahalaga ng Pransya sa relasyon sa Tsina at katayuan ng Tsina sa buong daigdig.
Mayroon aniyang kompiyansa ang Pransya sa ekonomiya ng Tsina, at wala itong intensyon na sugupin ang pag-unlad ng bansa.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio