Pag-oorganisa’t pagpapasigla ng kababaihan tungo sa modernisasyong Tsino, ipinagdiinan ni Xi Jinping

2023-10-31 16:07:32  CMG
Share with:


Sa pakikipag-usap Lunes, Oktubre 30, 2023 sa bagong liderato ng All-China Women's Federation (ACWF), ipinanawagan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang masikap na pag-oorganisa at pagpapasigla sa mga kababaihan, upang makapag-ambag sa modernisasyong Tsino.

 

Ipinagdiinan niya ang pagtahak ng mga kababaihan sa landas ng sosyalistang pag-unlad na may katangiang Tsino.

 

Aniya, kailangan ng pagtatatag ng malakas na Tsina at pag-ahon ng nasyon ang magkakasamang pagsisikap ng lahat ng Tsino, at ang mga kababaihan ay may di-mahahalinhang papel sa usaping ito.

 

Sinabi ng pangulong Tsino, na nitong nakalipas na 5 taon, totohanang ipinatupad ng mga pederasyon ng kababaihan sa iba’t-ibang antas ang kani-kanilang responsibilidad sa pagbibigay-patnubay, paglilingkod at pagpapanatili ng ugnayan ng mga kababaihan.

 

Hinimok niya ang mga pederasyon ng kababaihan na gawing konkretong tungkulin ang mga desisyon at areglo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), at patingkarin ang bawat bentahe ng mga babae.

 

Dagdag niya, ang pangangalaga sa lehitimong karapatan at kapakanan ng mga babae at bata, at pagpapasulong sa pagkakapantay ng kasarian at komprehensibong pag-unlad ng mga babae at bata ay importanteng nilalaman ng modernisasyong Tsino, kaya kailangang pag-ibayuhin ng mga pederasyon ng kababaihan sa iba’t-ibang antas ang kani-kanilang sigasig, upang resolbahin ang mga umiiral na problemang lumalapastangan sa karapatan at kapakanan ng mga babae at bata.

 

Ang mga pederasyon ng kababaihan ay tulay sa pagitan ng kababaihan at Partido’t pamahalaan, kaya dapat patuloy na palalimin ang reporma ng mga pederasyon, dagdag ni Xi.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio