Sinabi Nobyembre 15, 2023, ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina, na tuluy-tuloy ang panunumbalik ng pambansang kabuhayan ng Tsina noong nagdaang Oktubre.
Anito, bumuti rin ang mga pangunahing indeks, at nanatilling matatag sa kabuuan ang takbo ng kabuhayan.
Noong Oktubre, lumaki ng 4.6% anito ang value-added industrial output ng bansa kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon.
Samantala, mahigit 4.3 trilyong yuan RMB naman ang kabuuang halaga ng tingian ng mga produktong pangkonsyumer nitong nagdaang buwan, na lumaki ng 7.6% kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon, saad nito.
Ayon sa kawanihan, mula noong Enero hanggang Oktubre, mahigit 41.9 trilyong yuan ang fixed-asset investment ng bansa, at ito ay tumaas ng 2.9% kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon.
Bukod pa riyan, lampas sa higit 3.5 trilyong yuan ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas noong Oktubre, at 405.5 bilyong yuan naman ang trade surplus.
Sa kabilang dako, nasa 5% ang surveyed urban unemployment rate noong nagdaang buwan, na kapareho ng nagdaang Setyembre, saad ng kawanihan.
Bumaba ng 0.2% ang consumer price index (CPI) ng bansa noong Oktubre kumpara sa gayunding panahon ng 2022, na mas maliit ng 0.1% kumpara noong Setyembre.
Salin: Vera
Pulido: Rhio