Tsina, hinimok ang Amerika na mag-ingat sa mga isyu ng Taiwan at South China Sea

2023-12-15 16:45:47  CMG
Share with:

Hinimok Disyembre 14, 2023, ni Zhang Xiaogang, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, ang Amerika na mag-ingat sa mga isyu ng Taiwan at South China Sea (SCS) at itigil ang probokasyon.

 

Si  Zhang Xiaogang, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina (file photo)


Sinabi ito ni Zhang bilang tugon sa pagtatanong ng media hinggil sa ilegal na pagpasok ng isang barkong pandigma ng Amerika sa tubig na katabi ng Ren’ai Jiao, bahagi ng Nansha Qundao ng Tsina sa SCS, at paglipad kamakailan ng isang patrol aircraft ng Amerika sa Taiwan Straits.

 

Ani Zhang, ang Tsina ay mayroong hindi mapag-aalinlanganang soberanya sa Nansha Qundao, kabilang ang Ren’ai Jiao at mga katabing tubig.

 

Ang ilegal na pagpasok ng barkong pandigma ng Amerika sa tubig na katabi ng Ren’ai Jiao nang walang autorisasyon mula sa pamahalaang Tsino ay lubhang nakakapinsala sa soberanya at seguridad ng Tsina, at lumalabag sa pandaigdigang batas at mga pundamental na norma ng pamamahala ng internasyonal na relasyon, at nakakasira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, saad ni Zhang.

 

Binigyan-diin ni Zhang na iginagalang ng Tsina ang karapatan ng lahat ng mga bansa sa paglalayag at paglipad sa SCS, sinusunod ang  pandaigdigang batas, pero mahigpit na tinututulan ng Tsina ang anumang aksyong nagsasapanganib sa soberanya at seguridad ng Tsina sa ngalan ng kalayaan sa paglalayag at paglipad.  

 

Kaugnay ng aksyon kamakailan ng panig Amerikano sa Taiwan Straits, sinabi ni Zhang na ang Taiwan ay isang mahalagang bahagi ng teritoryo ng Tsina, at hindi dapat subukan ng Amerika na hamunin ang matatag na determinasyon ng Tsina na ipagtanggol ang pambansang soberanya at integridad ng teritoryo nito anumang oras.

 

Salin:Sarah

Pulido:Ramil