Ipinahayag, Disyembre 27, 2023, ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang magkakasamang pagtatatag ng “Belt and Road Initiative (BRI)” nitong nakalipas na 10 taon ay naging pinakapopular na internasyonal na produktong pampubliko, at plataporma ng pandaigdigang kooperasyon na may pinakamalaking saklaw.
Kasama ng iba’t-ibang panig, umaasa aniya ang Tsina, na maisusulong ang dekalidad na pag-unlad ng magkakasamang pagtatatag ng BRI para idulot ang malakas na bagong puwersang tagapagpasulong sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng buong sangkatauhan.
Diin niya, naging matatag at maunlad ang kooperasyong pangkabuhayan, pangkalakalan, at pampamumuhunan ng BRI nitong 2023.
Sa katunayan, mula Enero hanggang Nobyembre, umabot sa 17.65 trilyong yuan RMB ang pagluluwas at pag-a-angkat ng Tsina sa mga kasosyong bansa ng BRI, na lumaki ng 2.6% kumpara sa gayundin panahon ng tinalikdang taon, dagdag ni Mao.
Samantala, natapos na rin aniya ang mga proyekto sa ilalim ng BRI na kinabibilangan ng China-Europe Railway Express, Jakarta-Bandung High-Speed Railway, Bangabandhu Sheikh Mujibur Rahman Tunnel sa Bangladesh, Lekki Deep Sea Port sa Nigeria at iba pa.
Ang mga ito ay malakas na nakakapagpasulong sa pag-u-ugnay ng mga bansa’t rehiyon, saad niya.
Sa kabilang dako, ang mga proyektong tulad ng Luban Workshop, Brightness Action, Programs on Growing Juncao at hybrid rice, Kooperasyon sa Artemisinin ay nagdudulot aniya ng benepisyo sa mga umuunlad na bansa.
Bukod dito, pinalakas din aniya ng Tsina ang pakikipagkooperasyon sa maraming bansa sa larangan ng berdeng enerhiya na tulad ng hydro power, wind power, photovoltaic power at iba pa, at pinapasulong ang pag-unlad ng didyital na ekonomiya.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio