1.56 milyong person-time kada araw, tinatayang papasok at lalabas sa Tsina sa bakasyon ng bagong taon 2024

2023-12-28 16:01:08  CMG
Share with:

Ayon sa pagtaya ng National Immigration Administration (NIA) ng Tsina Huwebes, Disyembre 28, 2023, aabot sa 1.56 milyong person-time ang biyaheng papasok at lalabas ng bansa kada araw sa darating na bakasyon ng bagong taon 2024.

 

Ito ay mas malaki ng mahigit 5 beses kumpara sa bakasyon ng bagong taon 2023, anang NIA.

 


Kaugnay nito, naghahanda na anito ang mga pangunahing paliparan ng Tsina para sa pagdagsa ng mga pasahero.

 

Samantala, inaasahang aabot sa 33,000, 68,000, 34,000 at 13,000 ang karaniwang bilang ng mga papasa sa customs clearance ng Beijing Capital International Airport, Shanghai Pudong International Airport, Guangzhou Baiyun International Airport at Chengdu Tianfu International Airport kada araw, ayon sa pagkakasunod.

 

Kasabay ng tuluy-tuloy na panunumbalik ng mga international at regional flight, visa-free entry policy sa mga mamamayang Tsino ng mga bansang gaya ng Thailand at Malaysia, at unilateral visa-free policy ng Tsina sa 6 na bansang kinabibilangan ng Pransya, Alemanya, Italya, Netherlands, Espanya at Malaysia, malaking sumigla ang interes ng mga dayuhang turista sa paglalakbay sa Tsina.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio